Pinaliwanag sa publiko ni House Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor na tiyak daw na mababawasan ang botong makukuha ng mga congressman sa 2028 national elections sakali mang magkaroon sila ng pagpapasya sa pagboto sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa naging pahayag ni Defensor sa isang panayam sa kaniya nitong Huwebes, Mayo 7, 2026, sinabi niyang kasalukuyan daw nilang binabalanse sa Kamara ang mga ebidensyang lumabas kaugnay sa impeachment case laban sa Bise Presidente.
“Unang una, syempre binabalanse natin ang ebidensyang lumabas kung may sapat ba na bigat ito,” pagsisimula niya.
Ani Defensor, may mga mambabatas din daw na bumabalanse sa mga ebidensya ng impeachment case depende sa mga distrito at lugar na kanilang pinamumunuan.
“Binabalanse natin ‘yong ebidensya sa sitwasyon ng bawat congressman depende sa kaniyang lugar at distrito,” aniya.
Paliwanag niya, maaari daw kasing maapektuhan ang makukuhang boto ng ilang mga mambabatas para sa susunod na Halalan mula sa suportang kayang ibigay ni VP Sara, partikular sa mga lugar sa Visayas at Mindanao.
“Hindi pare-pareho ang epekto ng impeachment sa lahat ng congressman. Ang mga congressman natin sa Mindanao, sa Eastern at Western Visayas, apektado dahil hindi maiwasang may suporta ang Vice President sa Mindanao,” paglilinaw ni Defensor.
Dagdag pa niya, “Kaya pinag-iingatan din ang kanilang kalagayan at sinisigurado ng partido na hindi sila ma-negatively affected for the 2028 election.”
Sa kabila nito, nirerespeto pa rin daw nina Defensor ang magiging desisyon ng mga kapuwa nila mambabatas sa Kamara kaugnay sa magiging boto ng mga ito sa impeachment case laban kay VP Sara.
“At the same time, respecting their own conscience, their own assessment of the evidence,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang inaprubahan na ng House Committee on Justice noong Mayo 4, 2026, sa botong 55-0 ang pagsusulong ng reports at articles ng impeachment laban kay VP Sara sa House plenary.
Sa House plenary, kinakailangang makakuha ng one-third na boto mula sa mga kongresista ang naturang impeachment case laban sa Bise bago ito tuluyang umakyat sa Senado.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara kung ma-impeach: 'Yan ay sinulat na ng Diyos'
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, wapakels kung matanggal sa puwesto dahil sa impeachment!