Nilinaw ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na nasa bansang France na si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ngunit hindi raw ito nakakulong.
Kaugnay nito, nauna nang ihayag ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Martes, Abril 28, 2026, na may nakarating umanong impormasyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) na umapela ng political asylum si Co sa bansang France.
“The DFA has received highly reliable information that Zaldy Co has a pending petition for political asylum in France,” ani Castro.
Dagdag pa niya, “He has been requested to be transferred to and is now under the jurisdiction of French authorities.”
KAUGNAY NA BALITA: Zaldo Co, umapela ng political asylum sa France—Palasyo
Paglilinaw ni Castro, kasalukuyan na raw nasa France si Co dahil hiniling ng nasabing bansa ang pagpunta roon ng dating mambabatas dahil sa inapela nitong asylum.
“Nasa France na po siya dahil doon po siya nag-file ng petition for asylum at hiniling po ng bansang France na dalhin si Zaldy Co [doon],” aniya.
Pagtitiyak naman ni Castro, nasa France daw si Co ngunit hindi ito nakakulong o hawak ng mga awtoridad ng nasabing bansa.
“Nasa bansa na po siya ng France… hindi po siya nakakulong. Kailangan lang po siyang dalhin doon,” saad niya.
Giit naman ni Castro, wala raw silang opisyal na kumpirmasyon kung kailan naghain ng asylum si Co sa bansang France.
KAUGNAY NA BALITA: 'Panic mode?' Rep. Edgar Erice, dudang seryoso pamahalaan hulihin si Zaldy Co