Ipinagdiinan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na handang umaksyon ang pamahalaan kung sakaling mapatunayan na mayroong inconsistencies sa naganap na madugong engkuwentro sa pagitan ng mga armadong grupo at militar sa Toboso, Negros Occidental kamakailan.
Kasunod ito ng magkakasalungat na mga pahayag kaugnay sa pagkamatay ng 19 na indibidwal sa sagupaan, kabilang na sina Alyssa Alano, isang mag-aaral mula sa University of the Philippines (UP) Diliman at RJ Ledesma, isang mamamahayag.
Ayon kasi sa CHR, ipinipilit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na miyembro umano ng armadong grupo ang mga namatay na indibidwal, ngunit pagdidiin naman ng ibang organisasyon, sibilyan ang ilan sa mga ito gaya na lamang nina Alano at Ledesma.
“While the Armed Forces of the Philippines (AFP) maintains that the casualties were members of an armed group, other organizations assert that some victims, including Alano and Ledesma, were civilians engaged in community work,” anang CHR.
MAKI-BALITA: CHR, nagkasa na ng imbestigasyon sa pagkamatay ng 19 katao sa operasyon ng militar sa Negros-Balita
“Of course, everybody who is liable should be held accountable,” saad ni Usec. Castro sa press briefing ng PCO nitong Lunes, Abril 27.
Anang press officer, hindi raw nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga mapang-abuso.
“Dapat parusahan ‘yong umaabuso. Hindi hahayaan ng Pangulong Marcos Jr. ang umaabuso, lalo na sa kaniyang administrasyon,” anang press officer.
Sa parehong press briefing, inilahad din ni Usec. Castro na hindi hahadlang ang Palasyo sa ikakasang imbestigasyon ng CHR kaugnay sa nabanggit na engkuwentro.
“Kung magpapa-imbestiga po sila sa Commission on Human Rights, hindi naman po pipigilan para malaman ang katotohanan dito,” ani Usec. Castro.
MAKI-BALITA: Malacañang, hindi pipigilan imbestigasyon ng CHR sa engkuwentro sa Negros Occidental-Balita