Tila hindi nakaporma kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang naging patutsada ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste tungkol sa personal na paglalabas ng mga ulat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na may kaugnayan sa pagkakaaresto kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Matatandaan kasing makailang ulit nang si PBBM mismo ang personal na nagbabalita sa publiko ng kalagayan ni Co mula sa pagkakahuli dito ng mga awtoridad ng Czech Republic noong Abril 16, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, tiklo sa pagpasok sa Czech Republic—PBBM
Dahil dito, tila hindi napigilang maglabas ng pahayag ni Leviste sa kaniyang Facebook page noong Lunes, Abril 20, at sinabi niyang hindi raw dapat ang Pangulo mismo ang mag-ulat ng kalagayan ni Co.
Aniya pa, si PBBM daw kasi ang pangunahing itinuturo ni Co bilang umano’y utak ng maaanomalyang flood control projects sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Hindi dapat si BBM ang mag-report sa pag-aresto kay Zaldy, lalo’t siya mismo ang itinuro ni Zaldy bilang mastermind ng flood control,” pagsisimula ni Leviste.
Diin pa niya, “Paano paniniwalaan ang proseso kung ang akusado ang nagpapaaresto sa nag-aakusa?”
Ayon naman sa naging tugon dito ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Martes, Abril 21, nagawa muna niyang kuwestiyonin kung sino raw ba ang tinutukoy ni Leviste na “akusado.”
“Sino po ang pinangangalanan niyang akusado?” pagsisimula ni Castro.
Sagot ng media kay Castro, “The President, I believe.”
Ani Castro, kailan pa raw napatunayang isang akusado si PBBM at si Leviste raw dapat ang tinatanong ng media tungkol sa nasaad niyang ito.
“Kailan po ba naging akusado ang Pangulo?” buwelta niya.
“Hindi po ba dapat kayo ang nagtatanong sa kaniya kung kailan naging akusado ang Pangulo,” pagtatapos pa ni Castro.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag o tugon si Leviste kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Sleepless night na, ina-anxiety pa!: Leviste, walang obligasyong bayaran, pero bukal sa loob ipagamot si Castro
KAUGNAY NA BALITA: Tinapatan! Usec. Castro, humingi ng ₱500M danyos kay Rep. Leviste