Inilahad sa publiko ng panganay na kapatid ng yumaong indie film actress na si Sue Prado ang naging sanhi ng kaniyang pagkamatay sa edad na 44.
Ayon sa inilabas na ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Sabado, Abril 18, 2026, sinabi umano ng ate ni Sue na nagngangalang si Guia Antonette “Annie” Mera na cardiac arrest ang naging sanhi ng pagpanaw ng aktres.
Ibinahagi ito ni Guia noong gabi ng Biyernes, Abril 17, sa urn viewing ng mga labi ni Sue sa Diligence Chapel sa Loyola Memorial Chapels & Crematorium, Commonwealth Avenue, Quezon City.
“Wala akong alam na iniinda niya pero alam naman natin, kapagka sakit sa puso, napakatraydor, e! Ito yung napaka-fatal siguro,” anang ate ni Sue sa panayam sa kaniya ng PEP.ph.
Matatandaang kinumpirma mismo ng isa pang kapatid ni Sue na si May Shereen Prado sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Abril 15, ang naging pagpanaw ng nasabing aktres.
“Our dearest Sue M. Prado has become a constant star in the night sky,” ani May.
Dagdag pa niya, “It is with profound pain that we share Sue’s passing. Sue brought light in anyone’s path throughout her life. A life lived for others, for the craft she nourished and for those who she loved most.”
Si Sue o sa totoo nitong pangalan na si Marissa Sue Prado ay nakilala sa kaniyang mga pagtatanghal sa Philippine New Wave Films tulad ng “Oro,” “Barber’s Tales,” “Area,” “Himpapawid,” “Thelma,” “Ilustrado,” at “Madrasta.”
Isa pa sa naging pinakakilalang proyektong kinabilangan ni Sue ay ang psychological drama na “Sabel” kung saan, gumanap siya bilang babae na mayroong dissociative identity disorder.
Bukod sa mga pelikula, naging parte rin ng mga TV series sa bansa si Sue tulad ng “FPJ’s Batang Quiapo,” “Gameboys,” “Abot Kamay na Pangarap,” “Prinsesa ng City Jail,” at “My Father’s Wife.”
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Ang pumanaw na indie film actress na si Sue Prado
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Kung kelan patay na raw? VJ Mendoza binakbakan dahil kay Sue Prado, dumepensa!