Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa publiko ang tatlong usaping pagtutuunan nila sa nakatakdang 48th ASEAN Summit na pangungunahan ng Pilipinas mula sa darating na Mayo 7 hanggang Mayo 8, 2026.
Bago nito, nauna na ring kumpirmahin ni PBBM na hindi maantala ang nakatakdang ASEAN Summit sa gitna ng oil crisis na kinakaharap ng bansa dulot ng sigalot na nagaganap sa Middle East.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, kinumpirmang tuloy ASEAN Summit sa gitna ng oil crisis!
Ayon sa naging panayam ng media sa Pangulo sa Silang, Cavite nitong Biyernes, Marso 27, sinabi niyang pagtutuunan umano nila ng pansin sa gaganaping summit ang usapin tungkol sa suplay ng produktong petrolyo, pagkain, at pag-usapan ang tungkol sa mga migrant workers.
“We will be talking about three main subjects. About the supply of petroleum and petroleum products, about the supply of food and the supply of foods, and migrant workers,” aniya.
Dagdag pa niya, “Those will be the three subject matters that we will be taking out in the ASEAN Summit.”
Ani PBBM, mahalaga raw na makapag-usap sila ng iba pang mga miyembro ng ASEAN upang malaman ang mga kasunod na hakbang na kailangan nilang gawin maging sa hinaharap, sa buong taon ng 2026, at kung paano matutulungan ang bawat estado sa epekto ng mga sigalot na nangyayari sa mundo.
“Ang kailangan talaga sa panahon na ito ay makapag-usap kaming mga lider upang malaman natin kung ano—what do we do in the future, what do we do for the rest of the year, what do we do how can we help each other, what is the ASEAN position regarding all of these shocks that are coming in our ways,” saad niya.
Pagpapatuloy niya, hindi maantala ang nakatakdang ASEAN Summit sa darating na Mayo kung saan ang magiging “bare-boned” o magtutuon lang sa mga espesipikong bagay ang kanilang mga magiging pag-uusap.
“Tuloy tayo sa May 7 [at] May 8 and as I said, it will be a very bare-boned summit which will focus very closely on those three subject matters: oil, food, and migrant workers,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pagpapa-imbestiga ng flood control anomalies ni PBBM, 'di malilimutan ng Pilipino!'—Palasyo