Opisyal na kinumpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa publiko na hindi maantala at matutuloy pa rin ang nakatakdang 48th ASEAN Summit na pangungunahan ng Pilipinas sa buwan ng Mayo sa kabila ng oil crisis.
Ayon sa naging pahayag ng Pangulo sa Silang, Cavite nitong Biyernes, Marso 27, sinabi niyang kinonsulta na raw niya ang iba pang mga miyembro ng ASEAN kung itutuloy pa nila ang summit.
Ani PBBM, agad naman daw siyang sinagot ng mga ASEAN leaders na ito raw talaga ang akmang panahon upang magsagawa sila ng pagpupulong.
“The question that I asked them is very simple: ‘Would you prefer, because everybody is dealing with the oil crisis that’s going on, because of the war in the Middle East, would you like to postpone the ASEAN Summit?’” pagsisimula niya.
Dagdag naman niya, “The consensus that we came to is that it is precisely now that we must coordinate our efforts.”
Giit naman ng Pangulo, idiniin niyang “bare-boned ASEAN summit” o magsasagawa lang umano sila ng pagpupulong na magtutuon sa tatlong usapin.
“So that’s what we are going to do. Ipapatuloy natin ‘yong ASEAN Summit ngunit… it is a bare-boned ASEAN Summit,” aniya.
Pag-iisa-isa niya, usapin tungkol sa suplay ng mga produktong petrolyo, pagkain, at migrant workers umano ang mga pangunahing bagay na nakatakda nilang pag-usapan.
“We will be talking about three main subjects. About the supply of petroleum and petroleum products, about the supply of food and the supply of foods, and migrant workers. Those will be the three subject matters that we will be taking out in the ASEAN Summit,” saad niya.
Pagpapatuloy ni PBBM, kailangan daw talagang makapag-usap sila ng mga ASEAN leaders upang malaman ang mga susunod nilang hakbang sa hinaharap, sa buong taon, at kung paano nila matutulungan ang bawat estado sa kabila ng mga nangyayari sa mundo.
“Ang kailangan talaga sa panahon na ito ay makapag-usap kaming mga lider upang malaman natin kung ano—what do we do in the future, what do we do for the rest of the year, what do we do how can we help each other, what is the ASEAN position regarding all of these shocks that are coming in our ways,” ‘ika niya.
Pagtitiyak pa ng Pangulo, isasagawa daw nila ang ASEAN Summit sa paparating na Mayo 7 hanggang Mayo 8 2026.
“Tuloy tayo sa May 7 [at] May 8 and as I said, it will be a very bare-boned summit which will focus very closely on those three subject matters: oil, food, and migrant workers,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Pilipinas, may sapat nang crude oil supply hanggang Hunyo 30, 2026!—PBBM
KAUGNAY NA BALITA: Pilipinas sincere, bukas sa joint exploration kasama ang China—Palasyo