Sa nalalapit na selebrasyon ng Araw ng mga Puso o Valentine’s day, hindi maiiwasan ang mga usapin tungkol sa preparasyon ng marami upang ipagdiwang ito kasama ang kanilang mga karelasyon.
Halimbawa sa mga pagpaplano ng mga lugar na dapat puntahan, mga restaurant na suwabe kainan, mga bulaklak o tsokolate na praktikal bilhin, at maging sa paghahanda sa pagkakataong magkaroon ng pribadong espasyo ang mga magkasintahan.
Partikular sa usapin ng pakikipagniig: paano tatagal sa kama, ano ang mga posisyong gagawin, sino ang handang umibabaw, o sa kabuuan, paano mapapaligaya ang isa’t isa.
Pero teka, bago ang lahat ng mga ito at bagama’t hindi naman mandatoryong ipinag-uutos sa rules and regulations ng wasto at malinis na pakikipagtalik ang mag-ahit ng buhok sa ari para sa nalalapit na espesyal na selebrasyon, ano-ano nga ba ang mga dapat tandaan sa wastong pag-aahit?
Ayon sa viral at inupload na informational video ng doktor at content creator na si Dr. Alvin Francisco sa kaniyang Facebook page noong Martes, Pebrero 10, nilinaw niya ang kadalasang ginagawa umano ng marami kapag nag-aahit sila ng buhok sa ari.
“Kadalasan kapag nag-aahit tayo, gusto nating kalbong-kalbo ‘yong buhok. ‘Yong talagang walang matitira,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa FB video ni Doc Alvin.
Dagdag pa niya, “So ang ginagawa natin, kinokontra natin ‘yong direksyon ng tubo [ng buhok sa pag-aahit].”
Nagawa ng ihalimbawa ni Doc Alvin ang paraan ng pag-aahit ng marami sa bigote na tila na tila laging pasalungat na direksyon sa natural na tubo ng buhok.
“Halimbawa sa bigote, minsan pababa ang tubo nito, kalimitang ginagawa ng marami na ahitin ito pataas kasi raw mas natatanggal ‘yong buhok,” paghahalimbawa niya.
Giit ni Doc Alvin, nag-i-introduce raw ang mga indibidwal na nag-aahit ng pasalungat sa natural na tubo ng kanilang buhok ng maliliit na sugat sa manipis na balat ng kanilang singit.
“Kaso lang kapag ganiyan kasi ‘yong way ng pag-aahit natin, nag-iintroduce tayo ng maliliit na sugat sa balat,” aniya.
Paliwanag pa niya, “Ang resulta, since manipis ‘yong balat sa mga singit-singit natin, puwede ‘yang mangitim.”
Pagpapatuloy ni Doc Alvin, maaari rin daw magkaroon ng tinatawag na folliculitis o parang maliliit na tigyawat sa pinag-ahitan ng isang tao sa maling paraan ng pag-aahit.
“Or worst case, puwede kang magkaroon ng tinatawag na folliculitis. Ito ‘yong parang maliliit na tigyawat na tumutubo doon sa area na inahitan mo,” pagbabahagi niya.
Matapos nito, nagbigay pa ng mga dagdag tips si Doc Alvin sa mga wasto at dapat gawin ng isang tao sa paraan ng kanilang pag-aahit sa ari.
Pag-iisa-isa niya, dapat daw na basain muna sa pamamagitan maligamgam na tubig ang aahitang parte ng kawatan, dapat na banayad, dahan-dahan, huwag sobrang idiin ang paraan ng pag-aahit, gumamit ng moisturizer, at higit sa lahat, huwag itong aaraw-arawin.
“Also babasain muna ng warm water bago ahitan, banayad lang [at] h’wag ididiin ng sobra, gumamit kayo ng moisturizer para hindi po ma-iritate ‘yong balat; at syempre, huwag aaraw-arawin. Bigyan mo ng pahinga patubuin mo rin ‘yong buhok,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, kasalukuyang aabot na sa mahigit 1.1 milyong views at 29.6 libong reactions ang naturang informational video ni Doc Alvin.
MAKI-BALITA: Mga pre! Mas healthy pala kapag laging nakatayo ang 'Junjun'
MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: Gaano katotoo ang gayuma sa 1 dekada nang antingero sa Quiapo?
Mc Vincent Mirabuna/Balita