Tila hindi na nakapagtimpi pa ang Kapuso comedienne na si Chariz Solomon na ibunyag ang pag-iwas umano ng Television and Production Exponents, Incorporated (TAPE, Inc.) sa responsibilidad sa mga talent nito noon sa “Tahanang Pinakamasaya.”
Pinalitan ng “Tahanang Pinakamasaya” ang “Eat Bulaga” matapos maipanalo nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey De Leon TVJ ang trademark case nito sa TAPE.
MAKI-BALITA: TVJ, nanalo sa ‘EB’ trademark case vs. TAPE
Matatandaang nagkaroon ng problema sa pera ang TVJ at TAPE na noo’y producer ng “Eat Bulaga” sa GMA Network.
MAKI-BALITA: Problema sa pera ng TAPE, isiniwalat ni Tito Sen; utang daw kay Vic, Joey higit-kumulang tig-P30M na
Kaya sa latest episode ng vodcast na “Your Honor” kamakailan, nagpahaging si Chariz sa TAPE na baka puwede na silang bayaran bilang host noon sa “Tahanang Pinakamasaya.”
Nagsilbing guest sa episode na ito si Dasuri Choi na dati niya ring co-host noon sa nasabing defunct noontime show.
“‘Di ba magkasama pa nga tayo sa ‘Tahanang Pinakamasaya’ noon? Hindi pa nga tayo bayad,” natatawang sabi ni Chariz.
Dagdag pa niya, “Hoy, 2026 na TAPE! Baka naman. Hindi na ako mabait. ‘Yan ang New Year’s Resolution ko. Gagawan na natin ‘to ng solution.”
Ang iba pang hosts ng “Tahanang Pinakamasaya” ay sina Paolo Contis, Buboy Villar, Manila City Mayor Isko Moreno, at marami pang iba.
Bago ito masibak sa ere ay kumalat ang tsika noong Marso 2024 na may utang umano ang TAPE sa GMA Network na nagkakahalaga ng ₱800 milyon.
Maki-Balita: ‘Tahanang Pinakamalungkot?’ Noontime show ng TAPE, tsikang sisibakin na raw
Makalipas ang isang buwan, pumasok ang “It’s Showtime” sa eksena para punan ang naiwang airtime ng “Tahanang Pinakamasaya” sa GMA Network.
Maki-Balita: ‘It’s Showtime,’ opisyal nang mapapanood sa GMA sa Abril!
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na reaksiyon o pahayag ang TAPE kaugnay sa nasabing isyu.