Timbog ang isang 19-anyos na lalaki matapos ikasa ng mga awtoridad ang isang operasyon sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal noong Miyerkules, Disyembre 31, 2025, bandang 9:00 ng gabi.
Sa ulat na ibinahagi ng Rizal Police Provincial Office noong Huwebes, Enero 1, 2026, sinabi nilang nakatala ang suspek bilang isang Regional Most Wanted Person, na humaharap sa kasong rape.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 143, Cainta, nahuli ang suspek sa tulong ng mga tauhan ng Taytay Municipal Police Station (MPS).
Nakasaad din sa naturang arrest warrant na wala umanong inirerekomendang piyansa ang korte para sa kaso ng panghahalay.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Taytay Municipal Social Welfare and Development Office ang suspek, para sa tamang disposisyon at wastong dokumentasyon.
Dumaan din sa maayos na proseso ang pagkakaaresto sa suspek, at ipinaalam sa kaniya ang kaniyang mga karapatang konstitusyonal.
Vincent Gutierrez/BALITA