Nananatili pa ring naka-full alert ang East Avenue Medical Center (EAMC) matapos isugod sa kanila ang magkakasunod na firecracker related injuries sa bisperas at pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon sa EAMC, apat na pasyente ang ginamot kaugnay ng iba’t ibang uri ng pyrotechnics.
Isang batang babae ang tinamaan sa kaliwang mata ng lusis, habang isang 46-anyos na lalaki at isa pang babae ang nasugatan dahil sa fountain. Isang batang lalaki naman ang nagtamo ng paso sa mukha dulot ng pulbura.
Batay sa tala ng ospital, ang huling pasyenteng dumating bago ang countdown sa 2026 ay isang 22-anyos na lalaki mula sa Payatas, Quezon City. Nagtamo ito ng malubhang pinsala sa mata habang sinusuri ang isang boga na umano’y pumalya at hindi pumutok.
Kinumpirma ni Dr. John Paul Rener, tagapagsalita ng EAMC, na mula pa noong simula ng holiday peak ay aktibo na ang monitoring ng ospital sa mga ganitong kaso. Ayon sa kaniya, mula nang magsimula ang pagbabantay noong Disyembre 21, pitong kaso na ng firework-related injuries ang kanilang naitala.
Upang matugunan ang pagdagsa ng mga pasyente, nananatili ang EAMC sa ilalim ng Code White, isang high-alert status na nagsisiguro na handa ang lahat ng medical personnel na tumugon agad sa anumang emergency.
Sa kabila ng pista opisyal, binigyang-diin ni Dr. Rener na siniguro ng ospital ang sapat na bilang ng mga naka-duty upang walang pasyenteng mapabayaan sa mga kritikal na oras ng salubong.
"The hospital made sure na enough yung manpower sa hospital," ani Rener.
"So there are around 800 personnel right now in the hospital who are on duty… Kasama na diyan yung mga doctors, nurses, mga allied health professionals, tsaka 'yung mga administrative staff,” aniya.
Dagdag pa niya, tiniyak din ng ospital na handa ang supply ng gamot at mga kagamitang medikal para sa inaasahang pangangailangan ng gabi.
"We ensured also that the medications, mga vaccines, and other logistics are well stocked kaya handa naman kami sa buhos ng mga pasyente na ine-expect natin," dagdag ni Rener.
Hanggang nitong Huwebes ng madaling araw, Enero 1, 2026, patuloy ang EAMC sa pagmamanman sa mga pasyenteng na-admit at nananatiling handa sa posibleng karagdagang insidente kasunod ng pagdiriwang ng Bagong Taon.