January 04, 2026

Home BALITA

Ride sa peryaan sa Pangasinan, nabiyak; 11-anyos kabilang sa mga biktima

Ride sa peryaan sa Pangasinan, nabiyak; 11-anyos kabilang sa mga biktima
Photo courtesy: Contributed photo

Labindalawang katao ang nasugatan at isinugod sa pagamutan matapos bumigay at mabiyak sa gitna ang sinasakyan nilang amusement ride sa isang peryahan sa San Jacinto, Pangasinan.

Ayon sa pulisya, may kabuuang 30 katao ang sakay ng amusement ride nang mangyari ang aksidente.

Sinabi ni San Jacinto police chief Police Major Napoleon Velasco Jr. na nag-collapse ang ride dahil bumigay ang welding sa gitnang bahagi nito. Hindi tuluyang bumagsak ang ride ngunit sumadsad ito matapos mabiyak.

Kabilang sa mga nasugatan ang isang 19-anyos na empleyado ng peryahan na nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan. Ayon sa kaniya, regular umanong sinusuri ang ride kaya hindi niya inasahan ang insidente.

Internasyonal

Maduro at misis, kalaboso: Trump nagdeklara, US muna mamamahala sa Venezuela!

 Isinalaysay din niya na sa ikalawang pagbaba ng ride nang mangyari ang pagkasira at may ilang bata umanong nadaganan sa gitnang bahagi.

Isang 11-anyos na bata ang kabilang sa mga dinala sa ospital matapos magreklamo ng pananakit ng dibdib. Hiling naman ng ina ng bata na tulungan sila ng operator ng peryahan sa gastusin sa ospital.

Ayon sa pulisya, nangako ang operator ng peryahan na magbibigay ng tulong pinansiyal sa mga biktima. Sa kasalukuyan, suspendido ang operasyon ng peryahan habang isinasagawa ang imbestigasyon. Wala pang inilalabas na pahayag ang operator hinggil sa insidente.