Iginiit ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año nitong Biyernes, Disyembre 19, 2025, na napag-alaman ng mga awtoridad na hindi umalis ng Davao City ang mag-amang suspek sa nakamamatay na pamamaril sa Bondi Beach sa Australia sa loob ng kanilang 28 araw na pananatili sa Pilipinas.
Batay sa paunang resulta ng patuloy na imbestigasyon, sinabi ni Año na sa iisang hotel lamang natulog ang mga suspek gabi-gabi at limitado ang kanilang araw-araw na aktibidad.
Binigyang-diin din niya na walang indikasyon na sumailalim sa anumang pagsasanay-terorista ang dalawa habang nasa bansa.
Hindi rin umano tumanggap ng mga bisita ang mga suspek.
“All the 28 days they stayed in Davao, every night, they slept in the same hotel. There is no way they had undergone any training in Maguindanao, in Mindanao or wherever. Nobody came to the hotel to visit them,” pahayag ni Año sa media sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
“We are not a terrorist hotspot,” dagdag pa niya.
Aniya, “It’s unfortunate what happened in Bondi Beach. Galing dito ang mag-ama, but it doesn’t mean we are a hotspot.”
Ayon kay Año, kadalasang jogging sa umaga ang pangunahing ginagawa ng mga suspek.
“Every morning, nag-coconduct sila ng jogging—lalabas sila, babalik din after two or three hours. Ang pinakamatagal ay eight hours. Still, that time window is not suffice for them to get out of Davao. Doon lang talaga sila,” giit niya.
Dagdag pa niya, “Maybe they are using the internet, maybe they are talking to somebody else, but as to other physical activities, wala naman… We’re still trying to get CCTV footage.”
Lumabas din sa security checks na walang indikasyon na bumisita ang dalawa sa alinman sa mga firing range sa lungsod.
“There are seven shooting ranges in Davao. Our operatives also talked to all of them. Hindi nag-appear ang dalawa,” ayon kay Año.
Bagama’t hindi pa tiyak kung bakit Davao City ang piniling tirahan ng mga suspek, iginiit ni Año na walang batayan ang espekulasyon na ang Pilipinas ay isang hotspot para sa terrorist training.
“That’s still a question to be answered. Probably, siguro alam nila na ang Davao is a very progressive city, a safe city. We can just speculate bakit Davao ang napili nila. There are possibilities,” aniya.
Dagdag pa niya, “But one thing is sure: They did not undergo any training here. They did not meet any local terrorist group member based in Muslim Mindanao.”