January 04, 2026

Home BALITA

Misis na BPO worker, natagpuang patay; asawang pa-victim, suspek pala!

Misis na BPO worker, natagpuang patay; asawang pa-victim, suspek pala!

Patay na at naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ang katawan ng isang babae sa isang bakanteng lote sa Barangay Indahag, Cagayan de Oro City.

Ayon sa mga ulat, napag-alamang isang Business Process Outsourcing (BPO) worker ang 37 taong gulang na biktima.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagtamo ang biktima ng 12 saksak sa bahagi ng leeg na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Nang dumating sa pinangyarihan ng krimen ang mister ng biktima, nakita umano itong umiiyak at emosyonal habang nakaupo sa tabi ng bangkay ng kaniyang asawa.

Internasyonal

Pilipinas, ‘closely monitoring’ sa sitwasyon sa Venezuela; nananawagang resolbahin isyu nang mapayapa

Gayunman, ayon kay Police Regional Office–Northern Mindanao (PRO-10) spokesperson Police Major Joann Navarro, kalaunan ay umamin umano ang lalaki sa harap ng kaniyang abogado na siya ang pumatay sa kaniyang asawa.

Batay sa salaysay ng suspek, naglalakad umano sila ng kaniyang misis patungo sa city proper nang mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang usapan na nagresulta sa krimen.

Ayon pa sa suspek, ilang ulit na niyang ipinaalam ang kaniyang hinaing hinggil sa umano’y sensitibong mga video ng kaniyang asawa na higit pa sa hubad at may kinalaman sa pakikipag-collaborate sa iba.

Gayunman, sinabi ng pulisya na may naitala nang mga naunang alitan ang mag-asawa na nauuwi sa pisikal na pananakit.

Selos ang itinuturing na pangunahing motibo sa krimen. Inaalam din ng pulisya ang impormasyon na posibleng gumagamit ng ilegal na droga ang suspek, na mahaharap sa kasong parricide.