Mainit na sinalubong ng media si Bansud, Oriental Mindoro Vice Mayor Alma Mirano nang dumating ito sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) Technical Intelligence Division nitong Martes, Disyembre 9, 2025, upang magbigay ng paliwanag kaugnay sa kontrobersyal na pagkakaaresto kay Dennis Abagon, engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) MIMAROPA.
Si Abagon ay naaresto noong Nobyembre sa mismong bahay ni Mirano sa Sikatuna Village, hinggil sa umano'y pagkakadawit sa isyu ng flood control. Isinasangkot kasi si Abagon sa umano’y anomalya sa flood control project sa Naujan.
Nagpadala naman ng subpoena ang NBI sa vice mayor dahil naaresto ang engineer sa kaniyang property sa nabanggit na lugar, kaya kailangan siyang kuwestyunin para sa umano'y posibleng obstruction of justice.
Sa panayam sa media, nagawa pang makapagbiro ni Mirano at sinabing hindi siya sanay sa mga ganitong atensyon.
"Siguro po mukha lang din akong artistahin po, medyo maganda po ako eh, 'yon po ang totoo po," aniya.
Ayon sa Vice Mayor, noong isang linggo pa siya pinadalhan ng subpoena ng NBI upang ipaliwanag kung bakit sa kaniyang bahay nadakip ang akusadong opisyal.
Mariin naman niyang iginiit ng vice mayor na wala siyang kinalaman sa transaksyon at nagkataon lamang umano ang pananatili ni Abagon sa kaniyang tirahan. Aniya, hindi niya kaibigan o personal na kakilala ang nabanggit na engineer. Dagdag pa, nangungupahan o renter lamang daw si Abagon sa apartment na pagmamay-ari niya sa Sikatuna Village, noon pang Oktubre 23, 2024.