Binatikos ni dating presidential spokesperson at dating chief legal counsel Atty. Salvador Panelo ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) na tanggihan ang hiling ni dating pangulong Rodrigo Duterte para sa interim release.
Sa panayam sa kaniya ng isang news program noong Biyernes, Nobyembre 28, 2025, iginiit ni Panelo na patuloy na inaangkin ng ICC ang awtoridad kay Duterte kahit wala naman itong jurisdiction sa Pilipinas lalo na matapos kumalas ang bansa sa Rome Statute.
“Tapos iyong sinasabi nila baka mag-escape, may risk. The man is 80 years old. He cannot even maintain balance. We know that he has plenty of sakit. Papaano tatakas?” ani Panelo.
Iginiit ni Panelo na “overreaching” ang ICC sa pagpapatuloy ng kaso na aniya ay hindi naman umano “validly” na nabuksan sa ilalim ng batas ng Pilipinas o ng wastong international procedure.
Ayon sa kaniya, dapat magdagdag ng argumento ang panig ng kampo ni Duterte sa dalawang usapin: ang hurisdiksiyon ng ICC at ang aniya’y kawalan ng valid preliminary investigation.
Sinabi ni Panelo na ang patuloy na pagkakakulong ni Duterte ay “resulta ng pagpupumilit ng ICC,” sa kabila ng kaniyang pahayag na malinaw na may mga jurisdictional barriers.
“Wala ka na ngang jurisdiction… talagang target mo ay si Duterte, walang iba. Nag-participate pa itong gobyerno natin, talagang tuloy-tuloy na iyan,” he said, adding, “Kahit anong sabihin mo, ever since sinasabi ko, wala na iyan.”
Matatandaang noong Biyernes nang tuluyang ibasura ng ICC ang apela ng kampo ni Duterte para sa mosyong interim release—matapos ang 9 na buwan niyang pananatili sa kustodiya ng ICC dahil sa kasong crimes against humanity.
Maki-Balita: Apelang interim release ni FPRRD, ibinasura ng ICC
Maki-Balita: Pamilya Duterte, tanggap ang pag-reject ng ICC sa interim release ni FPRRD