January 04, 2026

Home BALITA

Bilang ng mga Pinoy na nawawala dahil sa sunog sa HK, umakyat na ng 19

Bilang ng mga Pinoy na nawawala dahil sa sunog sa HK, umakyat na ng 19
Photo courtesy: via AP News

Umakyat na sa 19 na mga Pilipino ang napaulat na nawawala sa Hong Kong bunsod ng sunog na sumiklab sa residential building sa nasabing bansa.

Ayon kay Edwina Antonio, executive director ng migrant women refuge association na Bethune House, kabilang sa mga nadamay ang dose-dosenang manggagawang Pilipino at 19 pa sa kanila ang hindi pa rin natatagpuan.

KAUGNAY NA BALITA: 23 OFWs, apektado ng sunog Hong Kong; 1 nawawala—DFA

Iniulat ng mga awtoridad na tapos na ang kanilang rescue operations sa Wang Fuk Court complex sa hilagang distrito ng Tai Po, ngunit nagbabala silang maaari pang tumaas ang bilang ng nasawi.

Internasyonal

Maduro at misis, kalaboso: Trump nagdeklara, US muna mamamahala sa Venezuela!

Nagsimula ang sunog sa Wang Fuk Court nitong Miyerkules ng hapon, Nobyembre 27,  at mabilis na kumalat, tinupok ang pito sa walo nitong 32-palapag na gusali.

Kaugnay nito, isang Pinay ang kumpirmado naman nasa intensive care unit (ICU) matapos ma-trap sa isang unit ng building kasama ang kaniyng employer at alagang tatlong buwang gulang na bata.

Ayon sa mga ulat, na-trap ang biktima kasama ang kaniyang amo at tatlong buwang gulang na alagang sanggol matapos ang mabilis na pagkalat ng apoy sa naturang residential building.

Bago tuluyang mawalan ng contact sa kaniyang mga kaanak sa Pilipinas, nagawa pa raw ng biktima na makapag-send ng audio message sa paghingi niya ng tulong.

"Andito kami sa building nasusunog! Stuck na kami sa room, umuusok na sa loob hawak-hawak ko ang baby! Tulungan n'yo kami. Nasusunog na kami!" anang biktima.

KAUGNAY NA BALITA: Pinay OFW, kritikal sa sunog sa HK; 1 pang DH, nawawala pa rin

Samantala, ayon sa kasalukuyang tala, umabot na sa 128 katao ang nasawi bunsod ng mapaminsalang sunog kung saan nasa mahigit 200 ang nananatili pa ring nawawala.