Naglabas ng pahayag ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), na tumatayong counsel ng mga biktima ng war on drugs, matapos ibasura ng International Criminal Court ang interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa latest Facebook post ni NUPL assisting counsel Atty. Kristina Conti nitong Biyernes, Nobyembre 28, mababasa ang kabuuang pahayag ng NUPL kaugnay sa naging desisyon ng ICC.
“The National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), counsel for victims of the ‘war on drugs,’ welcomes the decision of the International Criminal Court Appeals Chamber denying Rodrigo Duterte’s plea for interim release on strong merit, factual and legal,” saad ng unyon ng mga abogado.
Dagdag pa nila, “The court noted that not only is there basis for his continued detention and that he is a flight risk; but also that the defense failed to sufficiently argue release on humanitarian grounds.”
Ayon sa NUPL, ang pananatili ni Duterte sa kulungan ay mahalaga para sa mga biktima ng giyera kontra droga upang maramdaman ng mga ito ang kaligtasan.
“By large, it is an assurance that he cannot simply intimidate persons, interfere with the evidence, or disrupt proceedings,” anila.
Iginagawad ng ICC ang interim release para sa pansamantalang kalayaan ng kanilang mga bilanggo na hindi nakikitaan ng panganib na takasan ang kaso, ilagay sa peligro ang imbestigasyon, o gawing muli ang krimeng inakusa sa nasasakdal.
Maki-Balita: Apelang interim release ni FPRRD, ibinasura ng ICC
Sa ngayon, matapos ang pinal na desisyon, mapagtutuunan na ng NUPL ang dalawang isyu kabilang ang usapin ng hurisdiksyon at ang kakayahan ni Digong na humarap sa paglilitis.
Kaya naman umaasa ang NUPL kasama na ang mga biktima ng war on drugs sa bagong petsang ibibigay ng ICC para sa confimation of charges ng dating pangulo.
Matatandaang nakatakda sana ang confirmation of charges ni Duterte noong Setyembre 23 hanggang Setyembre 26 ngunit ipinagpaliban muna ito dahil wala umano siyang kakayahang humarap sa trial.
Basahin: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD