Maaaring ipagpatuloy ng kontrobersyal na Monterrazas de Cebu residential development ang pagbebenta ng mga unit nito kahit nagpapatuloy ang imbestigasyon sa posibleng paglabag sa mga environmental law, dahil nananatiling epektibo ang certificate of registration ng proyekto.
Inihayag ni Sen. Sherwin Gatchalian, budget sponsor ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) nitong Miyerkules, Nobyembre 26, 2025 sa pagdinig para sa ₱6.4-bilyong panukalang budget ng ahensya para sa 2026.
Ayon kay Gatchalian, ilang ulit nang nagbigay ng certificate of registration ang DHSUD para sa high-end project—noong 2008, 2009, 2024, at 2025.
“The DENR is investigating the possible environmental transgressions. The local government as well is also doing its own investigation. But as long as those documents still stand and are still valid—the ECC, the Sanggunian resolutions, the building permits—the department will not revoke the certificate of registration," anang senador.
Itinanong ni Senator Jinggoy Estrada kung tama bang ipinagpapatuloy ng Monterrazas ang pagbebenta kahit may imbestigasyon na nagaganap. Paliwanag ni Gatchalian, dahil walang opisyal na komunikasyon mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at lokal na pamahalaan hinggil sa posibleng paglabag ng proyekto, nananatiling valid ang certificate of registration.
“Meaning, they can still sell their units and their products, Mr. President," paglilinaw pa ni Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na maaari lamang kanselahin ang certificate of registration kung makansela ang Environmental Compliance Certificate (ECC) ng proyekto o bawiin ang building permit nito.
Nilinaw rin niyang tungkulin ng DHSUD ang pag-regulate sa commercial o selling aspect ng proyekto, samantalang responsibilidad ng DENR ang environmental compliance.
Kamakailan, iniulat ng DENR na isa sa mga paglabag ng Monterrazas ang halos pagkalipol ng mahigit 700 puno noong 2022—kung saan 11 na lamang umano ang natira matapos mabigyan ng tree-cutting permit.
Ayon pa sa DENR, nabigong kumuha ng discharge permit ang proyekto alinsunod sa Philippine Clean Water Act of 2004. Idinagdag din ng ahensya na hindi pa rin sapat ang planong centralized retention pond at 15 karagdagang estruktura para sa pagkuha ng tubig-ulan.
Nadiskubre rin ng DENR na 10 sa 33 kondisyon sa ECC ang nilabag ng Monterrazas, na maaaring magresulta sa administratibo at kriminal na kaso laban sa mga responsable.
Samantala, iginiit ng Mont Property Group, developer ng Monterrazas, na "premature" ang mga pahayag ng DENR at "labis na mali" umano ang paratang na higit 700 puno ang kanilang pinutol. Giit nila, mga shrubs at secondary undergrowth lamang ang kanilang inalis alinsunod sa kanilang ECC at development permit.