Nasawi ang isang 48-anyos na driver matapos bumangga ang minamaneho niyang tricycle sa isang poste at mahulog sa irrigation canal sa Barangay Bakod Bayan, Cabanatuan City, noong Miyerkules, Nobyembre 19, 2025.
Ayon sa mg ulat, pauwi sana ang biktima kasama ang kaniyang asawa, dalawang anak, at dalawang kapitbahay na may mga anak din, at magpapa-checkup sa health center nang maganap ang insidente.
Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad, bigla umanong nawalan ng kontrol ang driver sa tricycle, dahilan para tumama ang sasakyan sa poste at mahulog ang mga sakay sa katabing irrigation canal.
Nailigtas ng mga sumaklolo ang lahat ng pasahero, maliban sa driver na natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanal.
Hinihinala ng mga imbestigador na nakaranas ng epileptic attack ang driver, na posibleng naging sanhi ng pagkawala niya ng kontrol sa manibela.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang pamilya ng biktima at ang pulisya hinggil sa insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.