Pangungunahan ng Simbahang Katolika ang isang mobilisasyon sa Nobyembre 23, kasabay ng pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng Christ the King, ang huling Linggo sa liturgical na kalendaryo ng Simbahan.
Ayon kay Fr. Robert Reyes, convenor ng Clergy for Good Governance, inatasan ang mga pari na magdaos ng mga misa sa pagdiriwang ng Christ the King at isama sa kanilang mensahe ang mga umiiral na usaping panlipunan at politikal.
Gaganapin ang pagtitipon sa EDSA Shrine, na sisimulan sa isang maikling prusisyon bandang 2:00 ng hapon, at susundan ng misa na pangungunahan ni Cardinal Pablo Virgilio David sa ganap na 4:00 ng hapon. Pinayuhan na rin ang iba pang diyosesis na magsagawa ng kahalintulad na aktibidad.
Mismong si Cardinal David, presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at obispo ng Kalookan, ang nanawagan sa publiko na makibahagi sa mga pagkilos laban sa korapsyon.
“End corruption, end political dynasties. Kita po natin na ang ugat ng korapsyon ay ang pulitika ay nasa kamay ng iilang political families. At nakakalungkot kasi ’yong ating government ay nagiging platform for their political drama. Tama na po. Hindi po ito nakakatuwa. Hindi po teleserye ang public service,” ani David.
Samantala, tumutol ang mga pinuno ng Simbahan sa paggamit ng isyu para sa political patronage, lalo na sa gitna ng mga kamakailang pagtitipon na nananawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Some want to twist our anger into chaos. We won’t let them. No extra-constitutional means, no to a revolutionary government, no to a military junta, no to selective justice. Yes to prosecuting all the guilty forthwith. We choose truth over spectacle, institutions over personalities,” saad ng pahayag ni Msgr. Manny Gabriel ng Clergy for Good Governance.
Dagdag pa niya: “We will not stay quiet while patronage bleeds this nation. To those using this crisis for gain, we pray for your enlightenment.”
Maki-Balita: 'Baha sa Luneta 2.0,' kasado na sa Nobyembre 30