Aabot na sa 18.5 tonelada ng basura ang nakolekta sa Quirino Grandstand sa unang araw ng tatlong-araw na rally ng Iglesia ni Cristo laban sa korapsyon, ayon sa pamahalaang lungsod ng Maynila nitong Lunes, Nobyembre 17, 2025.
Sinabi ni Kenneth Amurao, hepe ng Manila Department of Public Services (DPS), na ang kabuuang nakolektang basura ay naitala hanggang 12 a.m., ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB.
Ayon naman kay Cesar Chavez, chief of staff ni Mayor Isko Moreno, nagkaisa ang mga miyembro ng INC, Manila DPS, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paglilinis ng lugar.
Napag-alamang may ilang raliyista na nagdala ng sarili nilang plastik na ginamit bilang supot ng basura.
Nagsasagawa ang INC ng tatlong-araw na rally mula Nobyembre 16 hanggang 18 sa Quirino Grandstand upang manawagan ng pananagutan kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga proyektong pang-kontrol sa baha ng pamahalaan.
Sa unang araw ng protesta noong Linggo,Nobyembre 16, sinabi ng Manila Police District (MPD) na umabot sa 650,000 katao ang crowd count pagsapit ng 6:00 ng gabi.
Habang pumalo na sa 600,000 ang dumalo sa Quino Grandstand para sa ikalawang araw ng protesta nitong Lunes.