January 04, 2026

Home BALITA Metro

Natupok bahay, lahat ng gamit! Nanay na namatayan ng 3 anak sa sunog, kumakatok ng tulong

Natupok bahay, lahat ng gamit! Nanay na namatayan ng 3 anak sa sunog, kumakatok ng tulong
Photo courtesy: Jeanine Pauline Miñoza via ABS-CBN News

Nanawagan ng tulong sa mga netizen si Jeanine Pauline Miñoza, ina ng tatlong batang nasawi sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Barangay Sto. Domingo, Martes ng umaga, Oktubre 14, 2025.

Sa video na ibinahagi ng ABS-CBN News, mapapanood na habang nanginginig at umiiyak ay napalupasay si Miñoza sa harap ng mga nasusunog pang bahay at paulit-ulit na sumigaw, “Bakit? Bakit ang mga anak ko?”

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), tatlong bata, dalawang lalaki at isang babae, edad 10, 7, at 5 ang nasawi matapos ma-trap sa loob ng kanilang tahanan nang mabilis na kumalat ang apoy sa kabahayan.

Nagsimula umano ang sunog pasado 11:00 ng umaga ngayong Martes, Oktubre 14 at nakontrol naman bandang 12:18 ng tanghali.

Metro

Ospital sa Makati, kulang ng blood supply, nananawagan ng agarang blood donors

Base sa salaysay ni Miñoza, iniwan nila ng kaniyang asawa ang mga bata na mahimbing na natutulog sa kanilang bahay bago sila bumiyahe patungong Maynila upang asikasuhin ang CT-scan ng kaniyang inang may karamdaman.

Bago malamang kasama ang mga anak sa mga namatay sa sunog, nakapanayam pa ng media si Miñoza habang pumapalahaw ng iyak dahil hindi pa makita ang mga anak niya.

Sa panayam naman sa tito at lola ng mga bata, sinabi nilang hindi raw nila napansing hindi pa nakakalabas ang mga bata sa kanilang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay.

Hindi pa natukoy kung ano ang sanhi ng nabanggit na sunog.

KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit 'yong mga anak ko?!' Nanay napalupasay nang iyak, 3 anak patay sa sunog sa QC

Sa panibagong panayam ng ABS-CBN News, pinangalanan ni Jeanine ang mga anak na sina John Matthew na 10 taong gulang, Zach Daniel na 7 taong gulang, at Zara Kathryn na 5 taong gulang.

Ike-cremate na umano ang tatlong bata ngayong Miyerkules, Oktubre 15.

Inilarawan ng ina ang mga anak bilang mababait, malambing, at mapagpasalamat sa Diyos.

Umapela naman ng tulong sa mga netizen ang naghihinagpis na ina dahil pati mga gamit at bahay nila ay natupok na rin dahil sa nabanggit na sunog.

"Wala po kaming matuluyan, hindi ko po alam kung saan kami magsisimula," emosyunal na pagbabahagi ni Jeannie. 

Maaaring ipadala ang mga tulog o makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng mga numerong ito o ipadala sa nabanggit na bank account.

GCASH: 09931995400
BDO ACCOUNT: 012620048539
Jeanine Pauline Miñoza