Umabot na umano sa mahigit 19,000 ang mga naitalang report sa Sumbong sa Pangulo website ayon sa Palasyo.
Sa press briefing Palace Press Undersecretary Claire Castro nitong Huwebes, Oktubre 9, 2025, inihayag niyang umabot na sa 19, 729 ang kabuuang bilang ng mga reklamo.
“Bukas po siguro mas magkakaroon kami ng mas detalyadong report kung ano na po ang nangyayari at ano na po ang nasosolusyunan at ano na po ‘yung nagkakaroon ng mga aksyon,” ani Castro.
Dagdag pa niya, posibleng isara ang website kapag wala nang bagong reklamo.
“Tingnan po natin. Kasi kapag wala nang report at natapos na, wala nang pumapasok, maaari na po siguro itong isara,” dagdag pa niya.
Matatandaang nooong Agosto nang ilunsad ang nasabing websitena maaaring magamit ng taumbayan upang direktang maiparating sa Pangulo ang sumbong sa mapapansin nilang kapalpakan sa flood control projects.
“Ang isusulat ninyo sa report [sa website], ako mismo ang babasa. ‘Yan ang asahan ninyo, babasahin ko ang bawat isa," anang Pangulo.
Paglilinaw pa ng Pangulo, kung sakaling na may masasangkot sa anomalya na kaniyang kaalyado, mas pakikinggan pa rin daw niya ang taumbayan.
"It might be a little painful baka masangkot diyan yung mga tao na malapit sa atin. Ngunit, kahit malapit naman siguro sa puso natin yung taumbayan kaya't sila ang uunahin natin," saad pa ni PBBM.
KAUGNAY NA BALITA: 'Sumbong sa Pangulo' flood control tracker, inilunsad ni PBBM: 'Ako mismo ang babasa!'