Idinaan ni Senate President Sen. Vicente “Tito” Sotto III sa isang X post ang kaniyang komento hinggil sa umugong na umano’y panibagong kudeta sa Senate leadership.
Sa kaniyang X post nitong Linggo, Setyembre 14, 2025, tila napatanong si Sotto kung ano raw kaya ang ikinakatakot ng mga hindi niya pinangalanang indibidwal.
“Very Devious! Wala pang hearing ang Blue Ribbon ni Ping Lacson gusto ng ilan magpalitan agad. What are they so afraid for?” saad ni Sotto.
Matatandaang kumakalat ang isang post ng Facebook page na "OneTV Philippines,” kung saan mababasang naka-secure umano ng sapat na boto si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano para mapalitan sa Senate Presidency ang kaluluklok lamang na si Senate President Tito Sotto III, noong Setyembre 8.
Kaugnay nito nagbabala na rin si Sotto sa publiko hinggil sa mga pekeng ‘news page’ na nagpapakalat ng mga umano’y pekeng impormasyon.
“Mag ingat tayo sa mga pekeng ‘news’ page na nagkakalat ng mga balitang nakakadagdag pa sa kaguluhan na pinagdadaanan ng ating bansa ngayon,” anang Senate President.
KAUGNAY NA BALITA: SP Sotto, pinag-iingat ang publiko sa mga pekeng 'news' page
Samantala, sa hiwalay na pahayag, pinabulaanan din ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang nasabing palitan ng liderato sa Senado.
Maki-Balita: 'Peke, intended to deceive and confuse!' 'Another rigodon' sa Senado, pinalagan ni Sen. Lacson