December 14, 2025

Home BALITA

Stakeholders sa wikang Filipino, maghahain ng liham sa Pangulo hinggil sa pagtutol sa bagong tagapangulo ng KWF

Stakeholders sa wikang Filipino, maghahain ng liham sa Pangulo hinggil sa pagtutol sa bagong tagapangulo ng KWF
Photo courtesy: Tanggol Wika, KWF (FB)

Nagkaisa ang mga tagapagtanggol ng wika at propesor sa pagsusulong ng kanilang protesta kaugnay sa pagkakatalaga sa bagong mga Komisyoner at Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Sa media forum na isinagawa ng mga stakeholders ngayong Biyernes, Agosto 29, tinalakay nila rito ang liham na inihanda nila para isumite sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Inilatag nila ang dahilan ng kanilang mga kahilingan at rason kung bakit mariin nilang tinututulan ang pagtatalaga ng pangulo kay Attorney Marites Barrios-Taran bilang Komisyoner na kumakatawan sa Tagalog at bilang Tagapangulo ng KWF.

Hiniling ng nagkakaisang samahan sa tanggapan ng Pangulo na agad bawiin ang nasabing appointment kay Taran at isailalim umano sa imbestigasyon ang mga kasalukuyang full-time Komisyoner ng KWF na sina Dr. Benjamin Mendillo Jr. at Dr. Carmelita Abdurahman.

DPWH sa Senado: 'Restore the deducted amounts from the projects in the 2026'

“Lumiham po kami upang nagkakaisang ipahayag ang 1) mariing pagtutol sa appointment ni Atty. Marites Barrios-Taran bilang komisyoner na kumakatawan sa wikang Tagalog at tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino;

“2) kahilingan sa inyong tanggapan na agad bawiin ang nasabing appointment; kahilingan sa inyong tanggapan na isailalim sa pormal na rebyu ang appointment ng dalawa pang kasalukuyang full-time na komisyoner ng KWF[...]” panimula nila sa liham.

Anila, tinututulan nila ang pagkakatalaga kay Taran dahil hindi siya kwalipikado sa ipinag-uutos ng batas at mga pamantayang nasasaad dito at sundin umano ang wastong proseso sa nominasyon at pagpili ng mga susunod na komisyoner ng KWF.

“[...]kahilingan sa inyong tanggapan [ng pangulo] na sundin ang mga kahingian sa proseso ng nominasyon at pagpili ng mga komisyoner ng KWF alinsunod sa Batas Republika Blg. 7104 at Implementing Rules and Regulations nito.” paglilinaw ng mga stakeholders sa wika.

Malinaw na malinaw umano na nakasulat sa batas ang mga pamantayang dapat munang makamit bago maitalaga ang isang tao bilang komisyoner o tagapangulo ng KWF.

“Isinasaad sa Seksyon 6 ng Batas Republika Blg. 7104 na: ‘No one shall be appointed as commissioner unless she/he is a natural born Filipino citizen, at least thirty (30) years old, morally upright and noted for his/her expertise in linguistic, the culture and the language of the ethnolinguistic region and the discipline he/she represents,” pagbibigay-diin nila.

Anila, malinaw na malinaw na wala umanong expertise si Taran na maiuugnay sa larangan ng lingguwistika, kultura, wikang Tagalog.

Hindi rin daw umano nasunod ang pagkaka-appoint bilang full-time komisyoner kina Mendillo at Abdurahman, ayon sa nakasaad sa IRR ng nasabing batas na dapat ang mga komisyoner na hihirangin ng Pangulo ay manggagaling mula sa mga nominadong pangalan ng mga organisasyon at tagapagsulong ng wika.

Hindi rin umano kinikilala ang huling dalawang nabanggit bilang dalubhasa sa wika, panitikan, kultura, at disiplinang kinakatawan nila.

Matatandaang nauna nang umalma noon ang manunulat at S.E.A Write Awardee na si Jerry Gracio kaugnay sa pagkakatalaga ni PBMM kay Taran bilang bagong tagapangulo ng KWF noong Agosto 05, 2025.

KAUGNAYNA BALITA: Walang ambag sa wika? Jerry Gracio kinuwestiyon bagong komisyoner, tagapangulo ng KWF

Ayon kay Gracio, mga “star-studded” ang mga naitatalaga bilang komisyoner at tagapangulo ng KWF halimbawa nina Cecilio Lopez, unang kinatawan para sa wikang Tagalog, na ngayon ay itinuturing bilang “Ama ng Linggwistikang Filipino” at si Jaime C. de Veyra, kinatawan para sa wikang Samar-Leyte, na isang manunulat, iskolar, at pilologo.

Kung saan tila insulto umano ang pagkakatalaga ng pangulo kay Taran para sa mga iskolar ng wika, guro sa Filipino, at sa sambayanan.

Ipinanagawan ni Gracio sa iba pang mga Komisyoner ang pagtutol nila kaugnay sa nasabing pagtatalaga kay Taran at sa tinukoy niyang Komisyoner na umano’y “red-tagger.”

Kasalukuyan na ngayong umabot sa 100 ang bilang ng mga indibidwal at pinuno ng mga organisasyong pangwika na silang lumagda sa nasabing liham para sa pangulo na nagpapahayag ng pagtutol at paghiling na tanggalin sa puwesto sina Taran.

Ayon sa mga stakeholder, maglalabas sila ngayong gabi ng Huwebes ng listahan ng mga lumagda sa liham para sa pangulo at bukas pa rin sila sa mga magnanais na lumagda at makiisa sa kanilang pagkilos.

KAUGNAY NA BALITA: National Artist Virgilio Almario, pinababawi pagkakatalaga sa bagong tagapangulo ng KWF

KAUGNAY NA BALITA: Mendillo kay Gracio: ‘Bakit nanahimik siya nang kitilin ni Casanova ang MTB-MLE?’

Mc Vincent Mirabuna/Balita