May 22, 2026

Home BALITA National

National Artist Virgilio Almario, pinababawi pagkakatalaga sa bagong tagapangulo ng KWF

National Artist Virgilio Almario, pinababawi pagkakatalaga sa bagong tagapangulo ng KWF
Photo Courtesy: Virgilio Almario, KWF (FB)

Maging si National Artist for Literature Virgilio Almario ay naglabas na rin ng kaniyang sentimyento sa bagong talagang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Si Almario ay nagsilbi ring tagapangulo ng KWF bago siya tuluyang pinalitan ni Dr. Arthur Casanova noong 2020.

Sa Facebook page ng “Filipino Ngayon” noong Huwebes, Agosto 7, sinabi ni Almario na napuno umano siya ng pag-asa nang marinig niya sa State of the Nation Address (SONA) ang mahusay na paggamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng wikang Filipino.

MAKI-BALITA: PBBM, ginamit ang wikang Filipino sa halos kabuuan ng SONA

KAUGNAY NA BALITA: Wikang Filipino, mas magandang gamitin sa mga susunod pang SONA —KWF

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Subalit,” aniya, “naglahò ang lahat ng aking pag-asa nang mabalita ang mabilisang pagpalít ni Atty. Marites Barrios-Taran sa puwesto ni Dr. Arthur Casanova bílang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Anyari?”

Ayon kay Almario, nararapat lang umanong palitan si Casanova bilang tagapangulo ng komisyon. Ngunit tila hindi siya sang-ayon na si Taran ang hahalili sa katungkulang naiwan nito.

“Kung ako ang tatanungin, dapat lang palitan si Casanova. Tinanggap ang kaniyang courtesy resignation noong isang araw at halos kasabay, hinirang si Barrios-Taran na kapalit,” saad ni Almario.

Dagdag pa niya, “Sino si Barrios-Taran? Political appointee. Wala na. Nasunod ba ang IRR ng KWF? Kailan ba iyan nasunod? Ni hindi siguro alám ni Kalihim Bersamin na may IRR ang KWF.”

Matatandaang nauna nang kinuwestiyon ni Jerry Gracio—manunulat, S.E.A Write Awardee, at dati ring komisyoner ng KWF—ang paghirang kay Taran sa naturang posisyon nito. 

MAKI-BALITA: Walang ambag sa wika? Jerry Gracio kinuwestiyon bagong komisyoner, tagapangulo ng KWF

Kaya naman sa ngalan umano ng dignidad ng Wikang Pambansa at ng angkop na pagkalinga sa kulturang Pilipino, nanawagan si Almario na bawiin muna ang pagkakatalaga ni Tara bilang tagapangulo.

[D]apat munang bawiin ang appointment ni Barrios-Taran, linisin ang pamunuan ng KWF, at mag-imbestiga ang Malacañang sa mga sigalot na naganap at nagaganap pa sa loob ng KWF, at ipailalim ito sa isang pansamantalang pinuno mula sa NCCA,” ani Almario.

Samantala, kaliwa’t kanang pahayag na rin ang inilabas ng mga indibidwal, grupo at organisasyong nagtataguyod at nagtuturo ng wikang Filipino para ipakita ang kanilang pagtutol sa desisyong ito ng Malacañang, kabilang na ang samahan ng mga makata na itinatag ni Almario, ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA).

“Nananawagan kami sa Opisina ng Pangulo (Office of the President) at sa Komisyon sa Paghirang (Commision on Appointments) na ipawalang-bisa ang naging paghirang sa pinakabagong komisyoner ng KWF,” pahayag ng grupo.

Maging ang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at mga departamento ng Filipino sa iba’t ibang paaralan at unibersidad ay naghayag ng kanilang tindig kaugnay sa nasabing isyu.

Ngunit sa ngayon, wala pang inilalabas na tugon o pahayag ang KWF hinggil dito. Bukas ang Balita para sa kanilang panig.