May 22, 2026

Home BALITA

Mendillo kay Gracio: ‘Bakit nanahimik siya nang kitilin ni Casanova ang MTB-MLE?’

Mendillo kay Gracio: ‘Bakit nanahimik siya nang kitilin ni Casanova ang MTB-MLE?’

Binuweltahan ni Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Full-time Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. ang manunulat at S.E.A Write Awardee na si Jerry Gracio kaugnay sa pagtutol nito sa pagkahirang ng bagong luklok na tagapangulo ng KWF na si Atty. Marites Barrios-Taran.

Matatandaang kinuwestiyon ni Gracio kamakailan ang kontribusyon ni Taran sa larangan ng wika at ang scholarship nito.

“[S]ino siya??? Tatlong question mark talaga dahil ano kontribusyon nitong si Marites Barrios-Taran sa language at scholarship? Pupusta ako, walang respetadong iskolar o manunulat na nakakakilala sa kanya,” saad ni Gracio.

MAKI-BALITA: Walang ambag sa wika? Jerry Gracio kinuwestiyon bagong komisyoner, tagapangulo ng KWF

Nagsiklab tuloy ang mga panawagan mula sa iba’t ibang indibidwal at grupong tagapagtaguyod ng wikang Filipino na bawiin ang pagkahirang ni Taran sa kasalukuyan nitong posisyon sa Komisyon.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

MAKI-BALITA: National Artist Virgilio Almario, pinababawi pagkakatalaga sa bagong tagapangulo ng KWF

Kaya naman hiningan ng Balita si Mendillo ng tugon sa pahayag ni Gracio sa pamamagitan ng email.

At sa mensaheng ipinadala niya nitong Biyernes, Agosto 8, hinamon niya si Gracio na sagutin ang dalawang tanong hinggil sa mga mangggawang ipinatanggal umano ng dating tagapangulo ng KWF na si Dr. Arthur Casanova at sa pagkitil nito sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE).

Sabi ni Mendillo, “[I]paglaban niya ang mga manggagawang bingi na pinatanggal ni Casanova dahil advocate siya ng karapatan ng manggagawa. Nasaan siya noong pinatanggal sila? Nang hindi sila pinasahod ni Casanova ng 3 buwan? Bakit nanahimik  siya nang kitilin ni Casanova ang MTB-MLE?”

“‘Yang dalawang tanong na’yan ang dapat niyang tanungin at hindi ang kalipikasyon ng bagong Tagapangulo na may unblemished track record sa pagpapaintelektuwalisa ng wika na dating Direktor Heneral ng KWF,” dugtong pa niya.

Matatandaang minsan na ring nagkasagutan sina Mendillo at Gracio noong Abril 2024 dahil sa isyu ng red-tagging.

MAKI-BALITA: Gracio kay Mendillo: ‘Pangunahing promotor ng red-tagging sa KWF’

MAKI-BALITA: Mendillo, nagsalita tungkol sa isyu ng red tagging sa mga librong inilathala ng KWF