January 05, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Lyme disease na dumapo kay Justin Timberlake, puwede rin sa'yo!

ALAMIN: Lyme disease na dumapo kay Justin Timberlake, puwede rin sa'yo!
Photo courtesy: justintimberlake (IG), Unsplash

“Living with this can be relentlessly debilitating, both mentally and physically,” ito ang pahayag ng singer na si Justin Timberlake sa kaniyang Instagram post kamakailan bilang sagot sa mga kritisismo matapos ang kaniyang “Forget Tomorrow World Tour.”

Ayon sa mga ulat, nagalit ang ilang fans ng US singer matapos siyang magpakita ng “bare minimum performance” sa concert tour, kung saan, ilang beses nitong ibinaba ang mikropono at tumigil sa pagkanta.

Dahil dito, nagdemanda pa ng refund ang ilan, habang ang iba nama’y dismayado sa naging performance ng singer.

“Fans really stood out in the rain 3 HOURS waiting for Justin Timberlake and he couldn’t even be bothered to fully sing for them.”

Human-Interest

ALAMIN: Gaano katagal bago mapanis mga hinandang pagkain noong holiday?

“So y’all paid him so y’all could sing his songs for him?”

“People are paying to see this?”

Kung kaya’t bilang paglilinaw sa dahilan ng pangyayari, inilabas ng singer ang kaniyang saloobin matapos ang nasabing tour.

“Among other things, I’ve been battling some health issues, and was diagnosed with Lyme disease -— which I don’t say so you feel bad for me –– but to shed some light on what I’ve been up against behind the scenes,” pagbabahagi nito.

Inilarawan din ni Timberlake ang dinaramdam na Lyme disease bilang “relentlessly debilitating, mentally and physically,” o nakapanghihina ng utak at katawan, at kasama rin daw dito ang matinding nerve pain at fatigue.

Ngunit kahit na ganoon, pinili pa rin umano niyang tumuloy sa pagpe-perform dahil sa sayang dulot nito kasama rin ang kaniyang libo-libong fans.

Dahil sa pagbabahagi ng singer tungkol sa kaniyang sakit, marami ang na-curious kung ano ang Lyme Disease at paano nito naapektuhan ang katawan ng isang tao, na puwede ring mangyari kahit kanino.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang Lyme Disease ay isang bacterial infection na mula sa borrelia bacteria na nakukuha mula sa kagat ng blacklegged ticks.

Ito ay kumakalat mula sa kagat ng infected tick.

Habang hindi lahat ng ticks o garapata ay may dalang borrelia bacteria na nagdudulot ng Lyme Disease, ang blacklegged ticks na mayroon nito ay kadalasang nakukuha ito mula sa mga malilit na hayop na kinakain nito, na posibleng infected din, tulad ng white-footed mouse.

Sa dagdag na pag-aaral ng CDC, ito ang ilan sa mga kalimitang sintomas ng Lyme Disease 3 hanggang 30 araw matapos makagat ng blacklegged ticks:

Lagnat

Chills o panginginig

Headache o pananakit ng ulo

Fatigue o pagkapagod

Muscle and joint aches o pananakit ng katawan at kasu-kasuan

Swollen lymph nodes o kulani

Erythema migrans (EM) rash o pantal na kadalasa’y lumalabas sa lugar kung saan kumagat ang garapata matapos ang delay ng 3 hanggang 30 araw.

Ang EM rash ay kalimitang lumalaki hanggang 12 inches (30 cm), at habang ito’y mainit sa pakiramdam, hindi ito masakit o makati.

Narito naman ang mga sintomas ilang araw o buwan matapos ang pagkagat ng blacklegged ticks.

Matinding pananakit ng ulo

Neck stiffness o paninigas ng leeg

Facial palsy, kilala rin bilang Bell’s Palsy, o paralisismo sa mukha

Arthritis with severe joint pain and swelling o rayuma na may matinding pamamaga ng mga kasu-kasuan

Heart palpitation o matinding pagtibok ng puso

Dizziness o pagkahilo

Shortness of breath o hirap sa paghinga

Pains, numbness, or tingling in the hands or feet o pamamanhid sa kamay at paa

Paano ito maiiwasan

Habang hindi pangkaraniwan ang Lyme Disease sa Pilipinas dahil ang mga ticks o garapatang nagdadala ng borrelia bacteria ay kadalasang naninirahan sa mga bansang nasa Hilaga tulad ng North America, Northern Asia, at Europa.

Ngunit kahit na ganoon, importante pa ring tandaang magsuot ng maliwanag o matingkad na protective clothing bago lumabas para madaling makita ang insektong dumapo sa katawan at mag-spray ng tick repellant kapag lalabas.

At pag-uwi, mahalagang labhan at patuyuin ang mga ginamit na damit sa mainit na temperatura para mamamatay ang mga posibleng insektong dumapo rito.

Kung may alagang hayop tulad ng aso, pusa , baka, o kalabaw, huwag din itong kalimutang regular na ipa-check sa beterinaryo dahil ang mga ito ang kadalasang pinamamahayan ng mga garapata.

Sean Antonio/BALITA