Pumirma ang San Miguel Corp. (SMC) ng memorandum of agreement (MOA) sa Quezon City local government unit upang linisin at i-rehabilitate ang mga malalaking ilog sa naturang lungsod, na naglalayong mabawasan ang pagbaha sa Metro Manila.
Sa ilalim ng kasunduan, palalalimin at palalawakin ng SMC ang mga pangunahing seksyon ng San Juan River at palalawigin ang paglilinis nito sa Tullahan River hanggang sa La Mesa Dam.
“For five years now, we have been cleaning rivers because we want to help solve the flooding problem,” saad ni SMC Chairman at CEO Ramon S. Ang. "We don’t profit from this work, and none of the dredged material is ever used for our projects. This is about doing our part for our communities.”
Malugod namang tinanggap ni Mayor Joy Belmonte ang kasunduan. Aniya, palalakasin nito ang mga ginagawang pagsisikap upang masolusyunan ang pagbaha ng Quezon City at mas mapalawak ang pamamahala sa mga basura.
“Lahat ng bagay ay gumagaan kapag pinagtutulungan. Together, we are multiplying our impact and we can set a new standard for public-private collaboration that builds the foundation for a more resilient city and a life of dignity for every QCitizen and every Filipino,” ani Belmonte.
Kasama sa MOA ang deployment ng dredging equipment, barge, at trak, pati na rin ang pagbuo ng mga pinahusay na sistema para sa pagkolekta ng mga debris at iba pang mga sagabal upang maibalik ang natural na daloy ng tubig.
Ang mga proyekting ito ay parte ng Better Rivers PH program ng SMC na inilunsad noon pang 2020, kung saan nakapagtanggal na ito ng 8.5 milyong tonelada ng basura sa 163 kilometro ng ilog sa loob at paligid ng Metro Manila—na hindi ginastusan ng gobyerno o maging ng taxpayers.
Bilang bahagi ng pangako nito sa mga pangmatagalang solusyon, nag-alok din ang SMC na tulungan ang Quezon City na tuklasin ang mas "advanced" na mga teknolohiya sa pamamahala ng basura upang suportahan ang mas mahusay na pag-iwas sa baha at pangangalaga sa kapaligiran.
Matatandaang kamakailan nang boluntaryong inihayag ni Ang ang kaniyang solusyon sa pagbaha sa Metro Manila.