Hindi na mananatili bilang tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) si Brig. Gen. Jean Fajardo, bagama’t wala pang inilalabas na pormal na kautusan tungkol dito, ayon sa bagong hepe ng PNP na si Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. nitong Miyerkules, Agosto 27.
Batay sa mga ulat, sinabi umano ni Nartatez na ikinokonsidera niyang italaga si Brig. Gen. Randulf Tuaño, kasalukuyang hepe ng PNP Public Information Office (PIO), bilang bagong PNP spokesperson.
Kasunod ito ng pagkakasibak sa puwesto ng dating PNP Chief na si P/Maj. Gen. Nicolas Torre III.
KAUGNAY NA BALITA: Torre, sinibak sa puwesto bilang PNP Chief
Dagdag pa niya, posibleng iisa na lamang ang spokesperson ng PNP chief at ng PNP Public Information Office (PIO). Aniya pa, dapat daw manggaling sa PIO ang susunod na spox.
Ayon pa sa hepe, sinabi pa ni Nartatez na siya mismo ay magsisilbing spokesperson, subalit kung wala naman siya, ang PIO ang magsisilbing tagapagsalita ng PNP.
Matatandaang kahapon ng Martes, Agosto 26, nang alisin sa puwesto si Torre batay na rin sa desisyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr, para daw sa "new direction" na nais ni PBBM sa PNP.
Nilinaw naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na walang nilabag na batas si Torre kaya siya tinanggal, at wala siyang kinalaman tungkol dito.
MAKI-BALITA: Torre, walang nilabag na batas—Remulla
Malugod namang tinanggap ni Torre ang pagkakatanggal sa kaniya at nagpasalamat sa mga suportang natanggap niya, sa halos dalawang buwang pamumuno sa kapulisan.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o opisyal na pahayag si Fajardo hinggil dito.
MAKI-BALITA: KILALANIN: Si P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bagong PNP Chief