Sa mabilis na pag-usbong ng modernisasyon at globalisasyon, nararapat na makiayon ang Pilipinas sa agos na ito.
Mula sa edukasyon, trabaho, negosyo, at pati ang seguridad ng bansa, ang lahat ng ito ay nangangailangan ng mahusay na “digital system” upang mas mapalawig ang mga serbisyo nito sa mga Pilipino.
Noong Pebrero 5, 2025, inaprubahan na sa ikatlo at huling pagdinig ng Senado ang “Senate Bill No. 2699” o “Konektadong Pinoy Act,” na naglalayong palawigin pa ang pagiging “accessible” ng internet sa bansa.
Sa botong 17-0-0, ang panukalang ito na isinulong at iniakda ni dating Senate Committee on Science and Technology Senador Alan Peter Cayetano ay magtitiyak ng mas mura at abot-kayang internet sa Pilipinas.
"We won't take the Konektadong Pinoy Bill in isolation because there's the [need to also implement the] E-Governance Act, Creation of the Department of Information and Communications Technology (DICT), other ICT bills, and the masterplan for the country's digital highway," ani Cayetano.
"Kasi kahit anong gaganda ng plano mo for ICT, kung di ka rin connected, wala ring mangyayari," dagdag pa niya.
Ang isa sa mga pinakamahalagang probisyon ng panukalang ito ay buwagin na ang congressional franchise requirement sa pagpapatayo ng mga imprastrakturang pang-internet.
Dulot nito, mabibigyan ng kalayaan ang mga mas maliliit na “internet service providers” (ISPs) na isapubliko ang kanilang mga serbisyo upang mas dumami ang mga local broadband network sa Pilipinas.
Isa pa sa mga tunguhin ng Konektadong Pinoy Bill ay puksain na ang "digital divide" sa bansa, lalo na sa mga liblib na lugar na hindi halos naaabot ng modernisasyon. Dahil dito, mapapalakas ang ekonomiya at estado ng bansa dahil sa mas "flexible" na serbisyo-publiko na ang kayang ibigay ng gobyerno sa mga Pilipino.
Hindi rin lamang nito pinahuhusay ang sistemang panloob ng bansa, bagkus pinapalawig pa nito ang koneksyon ng Pilipinas sa iba't ibang bansa — lalo na sa mga “developed countries” — at pagtibayin pa ang alyansa sa mga ito.
Ang layunin nito ay paigtingin pa ang kakayahan ng Pilipinas na makisabay sa "digitalization level" ng ibang bansa. Isa itong malaking hakbang sa tunguhing maging isang “powerhouse” ang ating bayan pagdating sa internet and digitalization.
Nangangailangan ito ng magandang eksekyuson, sapat na pondo, at magandang pagpapatakbo upang maisakatuparan ang mga pangakong benepisyo na nakapaloob dito.
Sa kasalukuyan, ang panukalang ito ay isa nang ganap na batas matapos ikasa at aprubahan ngayong Linggo, Agosto 24, ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Iba’t ibang grupo, suportado panukalang batas na magpapalakas ng internet service sa Pinas-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA