December 22, 2025

Home FEATURES Human-Interest

'Work-life balance?' 35-anyos na review lecturer, nakapag-travel na sa 82 probinsya ng Pinas

'Work-life balance?' 35-anyos na review lecturer, nakapag-travel na sa 82 probinsya ng Pinas
Photo courtesy: Janus De Leon/FB

Sa panahon ngayon, ang pagkamit ng work-life balance ay malaking hamon para sa karamihan, lalo na sa mga nagtatrabahong hindi na makaalis-alis sa pagtutok sa kanilang mga pinagkakaabalahan.

Ngunit para kay Jan Oliver “Janus” de Leon, 35 taong gulang at kasalukuyang Dean of Review sa Dr. Carl Balita Review Center (CBRC), posible pala itong pagsabayin—ang pagtatrabaho at paglalakbay.

Ayon sa eksklusibong panayam ng Balita kay Janus, nagkataon din kasi, parte ito ng kaniyang trabaho bilang isang dean at review class lecturer ng isang sikat na review center.

UNANG PAGSAKAY SA EROPLANO

Human-Interest

ALAMIN: Gaano kadalas ba dapat magpalit ng kobrekama at punda ng unan?

Tubong Bataan si Janus. Ang kaniyang unang biyahe sakay ng eroplano ay noong 2010 patungong Cebu, isang regalo mula sa kaniyang pinsan matapos niyang makapasa sa board exam.

Pero ang mas regular niyang paglalakbay ay nagsimula noong 2011, matapos niyang manguna sa kaniyang licensure exam.

“Hindi ko man pinili ang maglakbay noon, naging biyaya ito sa akin dahil sa trabaho ko. Ang CBRC ay may operasyon sa iba’t ibang panig ng bansa at maging sa ibang bansa kaya bahagi na ng trabaho ang paglalakbay,” ani Janus.

Sa likod ng kaniyang mga biyahe ay umusbong ang isang personal na layunin—na marating ang lahat ng rehiyon sa bansa. Naabot niya ito noong 2017, matapos marating ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ngunit hindi siya doon tumigil. Tinarget niya naman ang lahat ng 82 lalawigan sa Pilipinas, isang pangarap na natupad niya noong Hulyo 20, 2025, sa kaniyang pagbisita sa Dinagat Islands.

Kaya naman ayon sa Pinoy History, si Janus ang ika-193 na Pilipino na nakompleto ang paglalakbay sa 82 lalawigan ng Pilipinas.

Ngayon, ang susunod niyang hangarin ay makompleto naman ang pagbisita sa lahat ng 11 bansa sa ASEAN—kasalukuyan na niyang napuntahan ang siyam.

Hinihintay na lamang niya ang pagkalma ng sitwasyon sa Myanmar at ang pagkakataong marating ang Timor-Leste. Pagkatapos nito, target niyang makabisita sa 50 bansa sa buong mundo, at sa ngayon ay nasa ika-23 bansa na siya.

“Pero ang tunay na layunin ng paglalakbay ay para sa sarili at para sa iba. Travel and teach. Aspire and inspire,” aniya. “Nais kong maging inspirasyon sa iba na posible ang mangarap at magtagumpay, saan ka man dalhin ng landas.”

PAGLIBOT SA BUONG PILIPINAS

Sa kaniyang trabaho bilang national reviewer, tinatayang nakakaikot si Janus sa halos 50 probinsya kada taon. Ngunit tuwing unang beses niyang makarating sa isang lugar, sinisigurado niyang namumulat siya sa kultura, natitikman ang mga lokal na pagkain, at napapasyalan ang mga natatanging destinasyon ng bawat lalawigan.

Nang tanungin kung alin sa mga probinsya ang pinakatatatak sa kanyang alaala, hindi siya nakapili ng iisa, ngunit nagbigay siya ng listahan ng mga hindi malilimutang lugar:

Pampanga – para sa masasarap na pagkain

Sulu, Basilan, at Tawi-Tawi – para sa kakaibang kultura at mainit na pagtanggap

Camiguin – para sa likas na kagandahan

Negros Oriental at Occidental – para sa katahimikan at kapayapaan

Batanes – para sa tanawin at payak na pamumuhay

Bicol – para sa espiritwal na karanasan at kalikasan

Ilocos – para sa mayamang pamana ng kasaysayan

Palawan, Aklan (Boracay), at Dinagat Islands – para sa kanilang magagandang dalampasigan

PINAKATUMATAK NA LALAWIGAN SA KANIYA

Ngunit kung may isa mang lugar na pinakatumatak sa kaniyang isip at puso, ito ay ang Batanes. Halos dalawang linggo siyang na-stranded doon dahil sa bagyo, ngunit hindi siya pinabayaan ng mga lokal na Ivatan.

“Napakaganda ng lugar, pero higit pa riyan, ramdam mo ang malasakit ng mga tao. Tinuturing ka nilang parang pamilya,” ani Janus.

Pagdating sa gastos, aniya, hindi kailangang gumastos nang malaki para makapaglakbay.

“May mga lugar na kaya mong dayuhin sa halagang ₱1,000, pero karaniwan nasa ₱3,000 hanggang ₱10,000 ang inaabot depende sa aktibidad,” paliwanag niya.

Tatlong bagay ang laging nasa itinerary ni Janus: pagkain, kultura, at mga natatanging pook-pasyalan.

Ngayon na nabisita na niya ang lahat ng probinsya, ang kaniyang paningin ay nakaabot na sa mas malawak pang mundo.

“Bawat lalawigan ay may kakaibang alok at kagandahan. Kung bibigyan ako ng pagkakataon, gusto kong balikan ang bawat isa.”

Sa huli, si Janus ay patunay na posibleng magsama ang propesyon at paglalakbay.

Sa halip na paghigpitan ng trabaho, ginawa niyang daan ito para mas makilala ang kanyang bayan, at sa kaniyang paglalakbay, dala niya ang aral na ang pagtuturo ay hindi lang ginagawa sa loob ng silid-aralan, kundi pati na rin sa paglalakbay ng buhay.