Imbes na sumuko, naging hamon para kay Nurse Hannah Katrice Beduya Blastique ang anim na iniindang sakit para mas pag-igihan pa niya ang pagkuha ng May 2025 Philippine Nurses Licensure Examination (PNLE) kamakailan.
Nagbunga naman: siya ay top 7 ng nabanggit na licensure exam!
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Nurse Hannah, siya ay nagtapos ng Bachelor of Science in Nursing sa De La Salle Medical and Health Sciences Institute.
Praktikalidad daw ang dahilan kung bakit niya mas pinili ang nursing profession, at isinantabi ang kaniyang pagnanais na maging fashion designer, o interior designer.
Pero kahit na topnotcher siya, hindi raw naging madali ang kaniyang pinagdaanan; ironic kasi na nasa health and medical field siya subalit may anim siyang sakit, sa panahon ng pagre-review at bago ang aktuwal na pagkuha ng licensure exam.
Kuwento niya, nagkasabay-sabay na noong Abril 2025 nang ma-diagnose siyang may amoebiasis, urinary tract infection (UTI), insomnia, at renal cyst.
Nagkaroon din siya ng dengue at influenza, sa parehong buwan.
"The difficult part po ng review ko is where lahat po ng health problems mentioned po eh nangyari sa loob ng iisang buwan. To give you a complete picture po, eto po yung timeline. To note, some are occurring at the same time po. Amebiasis (April 6-18), Flu (April 8-14), UTI (April 13-22), Diagnosis of IBS (April 16), Incidental finding of renal cyst (April 18), and Dengue (April 23 to May 1)," aniya.
"It was extra challenging po kasi last month na po ng review. Ideally, mas mag-iintensify po ang review but on my end it was the opposite. Pero thankfully, okay naman na po ako now," dagdag pa.
Nang tanungin daw siya ng mga magulang kung ipagpapatuloy ba niya ang pagkuha ng exam, hindi raw siya nagdalawang-isip at hindi umatras.
Kaya nagulat na lamang siya nang malamang nakapasa siya, at hindi lamang nakapasa, kundi Top 7 pa.
Sa pangungumusta ng Balita kay Nurse Hannah, sinabi niyang maayos na ang kaniyang lagay. Manageable naman daw ang kaniyang insomnia at benign ang renal cyst na nakita sa kaniya.
"As of now, maayos po health ko and I’m gearing towards wellness po," pahayag niya.
Anong plano niya ngayong licensed nurse na siya?
"Currently, I’m considering to rest po muna before po maghanap ng trabaho. I want to ensure po na maayos na po ang well-being ko before po ako mag-work kasi I know how tedious and heavy the workload of nurses are po," saad niya.
Congratulations, Nurse Hannah at good luck!