Inanunsyo ng nagbabalik sa puwesto na si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang nakatakdang pagdedeklara ng state of health emergency sa buong lungsod bunsod umano ng problema sa basura.
Sa kaniyang unang press conference sa pag-upo sa puwesto nitong Lunes, Hunyo 30, 2025, iginiit ni Isko ang inaasahang deklarasyon ng state of health emergency sa gaganaping pulong kasama ang City Council sa Martes, Hulyo 1.
“Few weeks ago and the past days, plus today, talagang sasabog ang Maynila sa baho…,” ani Isko.
Dagdag pa niya, “At higit sa lahat—panganib na dulot ng basura sa kalusugan ng ating mamamayan.”
“Now, I’m opted to declare and request the City Council tomorrow. First session tomorrow. Declare the state of emergency, state of health emergency to the entire city of Manila,” aniya.
Ayon pa kay Isko, pumalo na raw ₱950 million ang utang ng lungsod sa kanilang garbage collector, dahilan upang lumalala ang sitwasyon ng basura sa buong Maynila.
“Buong kababaang-loob akong nakiusap sa Leonel Waste Management, we utilize all the resources existing or available, to be dedicated in the entire city of Manila. Salamat naman at positibo itong tutugunin ng Leonel–for free!” saad ng alkalde.
KAUGNAY NA BALITA: Utang ng Maynila sa waste management corpo, pumalo sa ₱950M! —Moreno