Ibinahagi ni Senador Cynthia Villar na “very supportive” daw sila sa kandidatura ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at kasama raw ito sa kanilang “sample ballot” para sa 2025 midterm elections.
Sa eksklusibong panayam ng media network ni Quiboloy na SMNI, inihayag ni Villar na suportado nila ang pastor at maging ang KOJC.
“Ako po ay very supportive sa kaniya. In fact, kasama siya sa aking sample ballot para makita namin ang support namin sa kaniya at sa kaniyang mga kasama sa movement ng kaniyang religion,” ani Villar.
Hiniling din ng senadora na mapagtagumpayan daw sana ni Quiboloy ang lahat ng kaniyang kinahaharap sa kasalukuyan.
“Sana ma-overcome niya lahat ng mga ginagawa sa kaniya ngayon at sana ay maging matagumpay siya in the future,” saad ni Villar.
Tumatakbo si Quiboloy bilang senador sa ilalim ng partido ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na PDP-Laban, at kabilang sa senatorial slate ng “DuterTEN.” Nakatakdang ganapin ang eleksyon sa Lunes, Mayo 12.
Kasalukuyan naman siyang nasa kustodiya ng mga awtoridad dahil sa kinahaharap niyang mga kaso ng qualified human trafficking at child abuse sa bansa.
Bukod sa mga kaso sa Pilipinas, matatandaang kinasuhan din ang pastor sa United States (US) ng sex trafficking by force, fraud, at coercion; conspiracy, at bulk cash smuggling.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Pastor Apollo Quiboloy saga