Magwi-withdraw ang Hungary sa International Criminal Court (ICC), matapos bumisita ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa naturang bansa.
“Hungary will withdraw from the International Criminal Court,” saad ni Gergely Gulyás, chief of staff ni Prime Minister Viktor Orbán, sa isang pahayag.
“The government will initiate the withdrawal procedure on Thursday, in accordance with the constitutional and international legal framework," dagdag pa nito.
Ayon sa ulat ng mga international media outlets, dumating nitong Huwebes, Abril 3, si Israeli Prime Minister Netanyahu sa Budapest, kabisera ng Hungary, sa kabila ng nakabinbin na ICC arrest warrant laban sa kaniya.
Noong Nobyembre 2024, nagpaabot ng imbitasyon ang Hungary, na pinamumunuan ni Prime Minister Orbán, matapos maglabas ng arrest warrant ang ICC laban kay Israeli Prime Minister Netanyahu dahil sa umano'y "crime against humanity" na kaugnay sa 13 buwang giyera sa Gaza.
Tinawag ni Prime Minister Orbán na “outrageously impudent” at “cynical" ang naturang arrest warrant ni Israeli Prime Minister Netanyahu.
Samantala, napagdesisyunan ni Prime Minister Orbán na umalis na sa ICC dahil ginagamit daw ito bilang "political tool."
Pinuri naman ni Israeli Prime Minister Netanyahu ang desisyon ng Hungary.
Ang Hungary ay isa umano sa mga pinakamalakas na kaalyado ng Israel sa Europa.