Pinasaya ng adorable rescued fur babies ang kanilang naka-date na hoomans ngayong Martes, Pebrero 11, sa ikalawang araw ng week-long “FURST DATE” event na handog ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) para sa “season of love” o Valentine’s.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni PAWS executive director Anna Cabrera na nagsimula ang kanilang “FURST DATE” noong 2018 upang magkaroon ng iba pang paraan para sa kanilang adoption drive sa shelter.
“Napuna kasi namin na medyo commercialized yung Valentine’s, na people get a lot of, well, money tuwing sine-celebrate siya. Well, of course, we need financial donations, but we also need the animals to be visited dahil yung iba dito, ang tagal-tagal na, hindi pa sila naa-adopt,” ani Cabrera.
“So sabi namin, why not? Kasi match-making naman talaga yung ginagawa namin dito sa PAWS, matching the human with the animal. So ipag-date natin sila. So yun na yung ‘FURST DATE’.”
“Masaya naman kami kasi it has opened doors for our shelter animals. Maraming na-adopt eventually because of this event. So we are very happy that the Valentine’s event that was meant as a fundraiser and just to make people more aware of yung mga shelter animals has resulted in increased adoptions,” dagdag niya.
Bukod sa pagpapaampon ng mga hayop sa kanilang shelter, nais daw ipadama ng “FURST DATE” sa bawat indibidwal ang “unconditional love” na dala ng fur babies:
“Ang mensahe ng FURST DATE is to always up to adopt instead of buying a pet. And sometimes you are looking for love in the wrong places, when actually, if you need unconditional love, dog or cat talaga. Hindi ka nila iiwanan, hindi nila ibe-break yung heart mo, and they’re really very loyal. They give back more than you give,” ani Cabrera.
“Yung sinasabi nilang: ‘Ay lucky yung animal.’ Actually lucky yung tao kapag nag-adopt siya ng animal. Animals teach us what love really is, na it’s not about how you look. They will love you kahit na nakapagsuklay ka o hindi ka nakapagsuklay; tumanda ka, bata ka. The love that they give is the same,” saad pa niya.
Personal ding nakapanayam ng Balita ang dalawang animal lovers na nagpunta sa shelter ng PAWS sa Quezon City upang maka-date ang napili nilang fur baby.
Ayon kay Sophia, 20, mula sa Marikina, first time niyang mag-book ng date kasama ang rescued animal doon upang magpakita rin ng suporta sa mga hayop.
“Very fun yung experience, and I think since the first time ko siyang nagawa, it’s very new to me rin… There’s no other way for us to spend Valentine’s than with our rescues,” aniya.
Para naman kay Bianca, 25, mula sa Marikina, pinili niyang mag-book ng “FURST DATE” dahil sa namatay niyang fur baby dog noon lamang Setyembre 5.
“Since hindi pa ako ready na magkaroon ng bagong fur baby, so gusto ko talagang mag-volunteer work someday. So ito yung first step ko, kasi gusto ko talaga moving forward… Ayoko namang ipagdamot yung experience ng ibang dogs na ma-love sila,” ani Bianca.
“Hindi naman porke’t love month, ‘its for your special someone na. It can come in different forms. And ‘yan, si Banoi, ang aking ‘FURST DATE’,” saad pa niya.
Sa halagang ₱750, maaari nang magkaroon ng kalahating oras na date kasama ang isang cute na aso o pusa sa kanilang shelter. Kasama na rin sa date ang snacks at isang token mula sa PAWS.
Para sa mga nais sumalang sa isang “purrfect date” kasama ang fur babies sa animal shelter, maaaring mag-book sa pamamagitan ng kanilang website. Maaari ring mag-sponsor ng date kung hindi personal na makakapunta sa shelter ng PAWS sa Quezon City.
Nagsimula noong Lunes, Pebrero 10, isasagawa ng PAWS ang “FURST DATE” hanggang sa Sabado, Pebrero 15.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Purrfect date!’ PAWS, handog ang ‘FURST DATE’ para sa animal lovers sa Valentine’s Day