Ikinabigla ng "Meteor Garden" fans ang balitang pagpanaw ng aktres na si Barbie Hsu na siyang gumanap bilang "Shan Cai" sa nabanggit na hit asian series noong 2001, na unang napanood sa ABS-CBN.
Sinasabing Pebrero 2 daw ang petsa ng pagpanaw ni Barbie subalit Pebrero 3 ito kinumpirma sa media ng nakababatang kapatid ni Barbie na si Dee Hsu, Taiwanese TV host.
Ang dahilan daw ng pagkamatay ng aktres na sumikat nang husto dahil sa Meteor Garden, ay mga kumplikasyong dulot ng "influenza-related pneumonia." Nasa bakasyon daw sa Japan ang pamilya ni Barbie nang maganap ito.
Ayon sa ulat ng Strait Times, ang laman daw ng mensahe ni Dee sa media na nasa wikang Chinese, na isinalin sa wikang Ingles, "Thanks for all the concern. Over the Chinese New Year period, our entire family travelled to Japan for a holiday, and my most beloved, kindest elder sister Barbie caught influenza-related pneumonia and has unfortunately left us."
"I am thankful to be her sister in this life, and grateful that we have taken care of each other and kept each other company all these years. I will always be thankful to her and remember her. Shan (Barbie Hsu’s nickname), rest in peace. We love you always. Together remember forever.”
Noong una, inakalang "hoax" o "fake news" lamang ang mga nagkalat na social media posts patungkol sa pagyao ng Taiwanese star, subalit nang magpalit ng itim na profile photo ang ex-husband ni Barbie na si Wang Xiaofei, sa kaniyang Chinese streaming platform Douyin, doon na nagsimulang ma-curious ang mga netizen na maaaring totoo ito; hanggang sa lumabas na nga ang kumpirmasyon ng kaniyang kapatid.
Naulila ni Barbie ang kaniyang mister na South Korean singer na si DJ Koo Jun-yup, at dalawang anak na isang 10-year-old daughter at 8-year-old son mula sa ex-husband na si Wang Xiaofei.
Inalala naman ng mga avid fan ng Meteor Garden ang phenomenal na pagganap ni Barbie bilang Shan Cai na talaga namang pumatok hindi lamang sa mga Pinoy kundi sa iba pang panig ng bansa; sa katunayan nga ay nagkaroon ng iba't ibang bersyon ng Meteor Garden dahil sa sobrang hit nito.
Dahil dito, trending sa X ang "Barbie Hsu" at "Meteor Garden" dahil sa pagsariwa ng mga netizen sa kaniya bilang si Shan Cai, kasama pa ang F4 na sina Jerry Yan (Dao Ming Xi), Vic Zhou (Hua Ze Lei), Ken Chu (Xi Men), at Vanness Wu (Mei Zuo).
MAKI-BALITA: Barbie Hsu ng 'Meteor Garden' pumanaw na