Hindi pinalampas ni dating Vice President Leni Robredo na mapanood ang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ni “Unkabogable” star Vice Ganda na “And The Breadwinner Is…,” matapos siyang maimbitahan sa isa pang blockreesning ng nasabing pelikula nitong Huwebes, Enero 2, 2025.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, kasama ni Robredo ang kaniyang anak na si Aika at ilang miyembro ng Angat Buhay Foundation.
Kaugnay nito, nagbigay ng mensahe ang bidang si Vice Ganda para sa dating bise presidente kung saan direkta niyang inihalintulad si Robredo sa kaniyang karakter sa pelikula bilang isang breadwinner.
“Si Madam Leni, minsan nang naging breadwinner nating lahat. Ikaw yung breadwinner. Ang tingin ko sayo, ikaw din si Bambi. Katulad ka rin ni Bambi, isa ka ring breadwinner na parang hindi rin napahalagahan ng lahat,” ani Vice.
Binigyang-pansin din ni Vice ang mga naging inisyatibong pagtulong daw ni Robredo sa pamamagitan ng kaniyang Angat Buhay Foundation.
“Ito po ay pag-aalala at pagbibigay pugay sa mga breadwinners at hanggang ngayon ay patuloy ka naming binibigyang pugay dahil hindi namin nakakalimutan lahat ng ginawa mo, pagmamahal at sakripisyo para sa amin,” saad ni Vice.
Samantala, nagpasalamat naman si Robredo kay Vice at sinabing marami raw sa kaniyang mga kasama mula sa Angat Buhay Foundation ang tila naka-relate daw sa kaniyang pelikula dahil karamihan daw sa kanila ay pawang mga breadwinners.
“Talagang pinagpa-planuhan namin ‘tong panoorin, pero siguro blessing na ang kasama ko ngayon, mga kasama ko sa ‘Angat Buhay’, at karamihan sa kanila ay breadwinners. Kaya yung kwento at dialogue, nag-resonate sa marami kong kasama,” ani Robredo.
Pinasalamatan din ni Robredo ang lahat daw ng mga taong nagsasakripisyo para sa kani-kanilang mga pamilya at iginiit na ang naturang pelikula raw ang siyang sumalamin sa kwento ng mga ito.
“Pagpapasalamat sa lahat ng sakripisyo na ginagawa ng mga kababayan natin para sa pamilya nila, para sa bayan. Yung inaakalang hindi na-aappreciate at saka nare-recognize, etong film na ‘to, eto yun. Yung pag-recognize at pag-appreciate sa lahat ng hirap na dinaranas ng napakarami nating mga kababayan. Kaya salamat for giving an outstanding performance," saad ni Robredo.