December 25, 2024

Home SPORTS

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?
Photo courtesy: PBA and GAB/Facebook

Kinumpirma ni Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner Willie Marcial na balak daw umapela ng kontrobersyal na cager na si John Amores tungkol sa pagkaka-revoke ng kaniyang professional license.

Sa panayam ng media kay Marcial kamakailan, inamin niyang nakausap niya na raw si Amores at iginiit na balak daw nitong umapela sa Games and Amusements Board (GAB). 

“Dumating sa’min ‘yong email sa technical group ko, na-receive ko kahapon at three [in the afternoon]. Nakausap ko si Amores, sabi ko, ‘natanggap ko na anong balak mo?’ Balak niyang um-appeal,” anang PBA Commissioner. 

Matatandaang noong nakaraang linggo nang magbaba ng desisyon ang GAB na tuluyan ng tanggalan ng lisensya si Amores matapos siyang masangkot sa pamamaril noong Setyembre. 

#BALITAnaw: Ang makasaysayang tagumpay ng 'Team Pilipinas' ngayong 2024

KAUGNAY NA BALITA: Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Bagama’t pansamantalang suspensyon ang naunang ipataw ng PBA kay Amores, nilinaw din ni Marcial na nakatakda raw sila sumunod sa naging mandato ng GAB.

“For us in the PBA, we’ll comply because that’s a government matter and we’re under the provision of GAB so that’s what we’ll do,” ani Marcial. 

KAUGNAY NA BALITA: John Amores, hindi banned sa liga; hatol ng PBA, pansamantalang suspensyon

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng NorthPort Batang Pier– ang koponang kinabibilangan ni Amores hinggil sa naturang desisyon ng GAB.