Nananawagan ng tulong sa social media ngayong Pasko ang isang guro mula sa Sindangan, Zamboanga Del Norte para sa nakahalubilong student-athlete ng sports na Bocce.
Ang "Bocce" ay isang ball game para sa learners na may special needs, kung saan, naging technical official dito ang gurong si Cyrell Jones "CJ" Sidlao, sa naganap na provincial meet sa kanilang bayan.
Dito ay nakita niya si Mikel, na napansin daw niyang magaling maglaro ng bocce subalit mabilis hingalin at kapansin-pansin ang kapayatan. Nagulat daw siya nang malamang 21-anyos na pala si Mikel na hindi halata sa tangkad at katawan nito.
Kaya pakiusap ng guro sa mga netizen ngayong Kapaskuhan, sana raw ay maabutan ng tulong si Mikel para makakain at makuha ang sapat na nutrisyon sa katawan.
"Mickel is 21 years old from Salug and na meet nako ni siya during Provincial Meet. Nalooy kaayo ko sa iyang Health Condition at his age. While playing, maklaro jud nga dali ra siya maluya pero naningkamot na makadaog & he won. Hopefully tabangan nato siya para makadula siya sa Regional Meet. Lets show our love to him this Christmas Day [Si Mickel ay 21 taong gulang mula sa Salug, at nakilala ko siya noong Provincial Meet. Naawa talaga ako sa kanyang kalagayan sa kalusugan sa kabila ng kanyang edad. Habang naglalaro, kitang-kita na madali siyang mapagod, pero nagsikap siya para manalo—at nanalo siya. Sana matulungan natin siya para makalaro siya sa Regional Meet. Ipakita natin ang ating pagmamahal sa kanya ngayong Pasko.]," mababasa sa Facebook post ng guro.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher CJ, sinabi niyang naaawa siya sa estudyante-atleta lalo na nang mapag-alaman niya ang hirap ng buhay na nararanasan nito. Ngunit sa kabila nito ay makikita pa rin daw ang determinasyon ni Mikel para makapaglaro at makalaban sa meet, na simbolo ng pakikipaglaban nito sa buhay.
"Napansin ko na si Mickel na magaling maglaro ng bocce pero madali rin siya hinihingal. Nag tanong ako sa coach niya, na surprise ako na 21 years old na pala siya."
"Naawa ako sa kalagayan niya kasi sobrang payat niya, hindi tumangkad at madaling mapagod. Nalaman ko rin sa coach niya na last year, hindi siya naipadala sa National Game dahil sa health niya."
"Ngayon, nag try siya ulit for probinsyal para maka abot sa Regional & National. Naawa ako sa kaniya kasi kahit gano'n condition niya, nagsusumikap manalo. Kaya nag-post ako baka may tutulong para ma improve health niya or makatulong na makakain siya ng nutritious food."
"Nagtanong ako sa teachers niya about sa kaniya, ang sagot ng teacher walang-wala talaga family niya. Pumupunta lang sa mga carinderia para manghingi ng ulam," dagdag na kuwento ni Teacher CJ.
Para sa mga nagnanais magpaabot ng tulong para kay Mikel, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa Facebook account ni Teacher CJ, o magpadala sa GCash number na ito: 09177776617.
Makakaasa raw ang mga netizen na mapupunta kay Mikel ang lahat ng mga tulong na ipadadala nila at isasa-dokumento ito.