January 22, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'
Photo courtesy: Manila Bulletin/Facebook

Sabi nga sa isang kanta: “May tatalo pa ba sa Pasko ng Pinas?” Bukod kasi sa tayo ang may pinakamahabang kapaskuhan, ay tila kilala rin ang mga Pinoy sa mga tradisyong nagbibigay kulay tuwing Pasko. 

KAUGNAY NA BALITA: Paskong Pilipino, pinakamahabang kapaskuhan sa buong mundo

Kasama na yatang maituturing sa pagdiriwang ng kapaskuhan ng kulturang Pilipino ang mahabang paghahanda ng mga ito bago tuluyang sumapit ang Disyembre 25. Saksi ang pagliwanag ng mga lansangan at palamuti sa bawat tahanan kung paano naipasa hanggang ngayon ang kakaibang tatak ng Paskong Pinoy.

Simbang Gabi

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Tatlong pinakamatatandang imahen ng Sto.Niño sa buong Pilipinas

Hindi man nag-iisa ang Pilipinas sa mga bansang nagkakaroon ng misa bago tuluyang sumapit ang Pasko, tila ito naman ang isa sa mga naging palatandaan ng mga Pilipino sa papalapit na kapaskuhan. 

Siyam na araw ang Simbang Gabi kung saan kasama sa debosyon ng mga Pilipino ay ang paniniwalang maaari daw kasing matupad ang iyong hiling kapag nakumpleto mo ang pagdalo rito.

Christmas delicacies

Bilang naka-angkla nga sa kultura ang mayabong na selebrasyon ng mga Pilipino sa pagdiriwang ng kapaskuhan, hindi rin maikakailang may mga pagkaing tuwing Nobyembre at Disyembre nga lang daw matitikman. 

Kagaya na lamang ng sikat na Puto Bumbong at Bibingka, na ‘ika nga nila’ty hindi maaaring mapaghiwalay at mawala tuwing Pasko. Tila nakaugalian na nga rin daw ng mga Pilipino na ito ang hanapin matapos dumalo sa Simbang Gabi dahil kailimitan din itong itinitinda sa harapan ng mga simbahan.

Si Ninong at Ninang

Magtatago na ba ang lahat?

Wala na yatang tatalo sa papel ng mga “Ninong” at “Ninang” tuwing Pasko kung saan tila obligado ang mga ito na magbigay sa kanilang mga “inaanak” ng regalo o pera. Sa kabila ng materyal na bagay na nakapaloob sa konsepto ng mga Ninong at Ninang, isa rin sa sinisimbolo nito ay ang kultura ng mga Pilipino katulad na lamang ng pag-mano ng mga inaanak sa kanilang “ikalawang mga magulang.”

Caroling

Buhay na buhay din ang pagiging talentado at malikhain ng mga Pilipino sa pangangaroling tuwing sasapit ang Pasko. Walang bata o matanda, basta’t kabisado mo ang kanta at handa kang magbahay-bahay, pasok ka dito!

Mga parol at pailaw

Isa rin sa mga nananatiling simbolo ng kapaskuhan ng mga Pilipino ay ang parol. Tila nakipagsabayan na nga rin ito sa mabilis na pagbabago ng panahon, dahil malayo sa tipikal na disento nito noon gawa sa papel at plastic, ginamitan na rin ito ng mga kumukuti-kutitap na mga pailaw. Nagsilbi na nga rin itong atraksyon sa ibang mga lugar na talaga namang ginagastusan upang maging tourist spot sa kani-kanilang bayan.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ilang bayan sa Pinas na maagang nagbukas ng kanilang Christmas village!

Reunion/Gathering 

Dahil ang Pasko nga raw ay tungkol sa pagmamahalan, nakaugalian na rin ng ilang mga Pilipino ang pagkakaroon ng family reunion o gathering ng mga kamag-anak o kaibigan bago o pagkatapos ng Disyembre 25. Marami ang nag-aabala na bumiyahe pa mula sa malalayong lugar upang makadalo sa kanilang muling pagsasama-sama bago tuluyang matapos ang holiday season.

Ilan lamang ito sa mayamang tradisyon ng mga Pilipino tuwing Pasko, kasama ang pag-asa na gaano man naging kahirap ang buhay sa nakalipas na 11 buwan, para sa marami—ang kapaskuhan ang tanging panahon upang huminga, sumaya at magbigay, gaano man kalaki o kaliit ang mga bagay na maaaring pagsaluhan kasama ang mga mahal sa buhay.