“Hindi trained, pero well-mannered!”
Kinaantigan sa social media ang isang post tampok ang tila matiyagang paghihintay ng stray dogs na nakapila sa feeding station sa isang coffee shop sa San Mateo, Rizal.
Sa Facebook post ni Shanen Lorenzo, 28, mula sa Caloocan City, makikita ang mga larawan kung saan tatlong aso ang nahanay habang tila naghihintay ang dalawang nasa dulo.
“Hindi trained, pero well-mannered. Strays patiently waiting for their turn para makakain sa feeding station sa Higala Coffee,” ani Lorenzo sa kaniyang post.
Eksklusibong nakapanayam ng Balita si Lorenzo, at ibinahagi niyang karaniwang nagpapadala sa kanila ang coffee shop ng larawan ng mga aso dahil sila ang nagsu-supply ng pagkain sa feeding station para sa mga ito. Kaya naman laking tuwa raw nila nang makita ang “well-mannered” na kilos ng mga aso nang araw na iyon.
“First time lang po nila ma-witness na nagkaroon ng pila sa feeding station. Talagang patiently waiting po para makakain. Sila po talaga yung mga suki na strays na kumakain dun sa Higala Coffee,” ani Lorenzo.
“Na-realize ko po na mali yung tingin ng karamihan sa kanila, na kapag strays, perwisyo o nakakatakot. Hindi po nila deserve mapabayaan lang sa kalsada at magkalkal ng basura para lang makakain. Kaya kahit po sa maliit na bagay, yung mabigyan lang sila ng pagkain araw-araw, ang sarap po sa pakiramdam,” saad pa niya.
Noong Oktubre 27, 2024 nang magsimula si Lorenzo at kaniyang partner mula San Mateo na magtayo ng feeding stations sa dalawang coffee shops na nakausap nila upang mapakain ang stray animals doon.
“Kami po nag-provide ng pet feeder and dog food. Ang establishment na lang po ang nag-aayos kapag nag-oopen sila,” aniya. “Yung girlfriend ko po ang partner ko rin sa business and siya po yung nag reach out sa coffee shops. Thankful po kami na may dalawang coffee shop po ang willing mag-lend ng space for strays.”
Sa pamamagitan ng kanilang maliit na negosyo ng paggawa ng handmade leather goods at proyektong “Keytags for Strays,” nakakalikom silang magkasintahan ng pondo para sa stray animals.
“Yung “Keytags for Strays” is galing lang din po samin. Bale, may small business po ako at madami po akong leather scraps na hindi na magagamit. Naisip ko pong instead na itapon yung scraps, pwede pa pong gumawa ng keytags,” kuwento ni Lorenzo.
“Keytags po naisip ko dahil hindi siya time consuming at hindi magastos since ido-donate ko lang din po ang time ko sa paggawa nito at yung ibang resources ay sasagutin ko rin po like yung packaging,” saad pa niya.
Matatagpuan ang pinagsu-supplyan nina Lorenzo sa feeding stations para sa stray animals sa coffee shops na “La Coffee Co” sa c6 road sa San Mateo, at “Higala Coffee” sa JP Rizal sa San Mateo.
“Help us provide more feeding stations for strays. Please share and support our Keytags for Strays,” saad ni Lorenzo.
Para sa mga nais tumulong sa stray animals at bumili ng keytags nina Lorenzo, maaaring makipag-ugnayan sa kaniyang Facebook account: https://www.facebook.com/lorenzoshanen.