Isiniwalat ni dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo na kung sakaling ma-disqualify at ma-impeach si Vice President Sara Duterte, si Senador Robin Padilla umano ang patatakbuhin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang pangulo ng bansa sa 2028.
Sa isang panayam nitong Biyernes, Disyembre 13, sinabi ni Panelo na nakausap na raw niya si FPRRD at pumayag daw ito sa kaniyang suhestiyon na si Padilla ang kanilang magiging pambato kung hindi makatakbo si VP Sara.
“Kapag pinakulong 'yan (VP Sara), ang patatakbuhin namin si Robin Padilla. 'Pag si Robin Padilla, game over. Pareho ni Inday Sara, game over din 'yan,” ani Panelo.
Ibinahagi rin ni Panelo na “speechless” umano si Padilla nang malaman niya ang napag-usapan nila ni FPRRD na planong patatakbuhin siya bilang pangulo ng bansa.
“Speechless [siya]. Sabi ko, ‘Ihanda mo na sarili mo kasi 'pag 'yan ang nangyari ikaw ang ilalaban namin kasi nag-usap na kami ni presidente and he agrees with me na ikaw talaga ang pwedeng pumalit kay Inday Sara’," saad ni Panelo.
Matatandaang noong buwan ng Setyembre nang unang sabihin ni Panelo na balak niyang patakbuhin si Padilla bilang pangulo sa 2028 kung hindi tumakbo si VP Sara sa posisyon.
MAKI-BALITA: Panelo, patatakbuhin si Padilla bilang pangulo sa 2028 kapag ‘di tumakbo si VP Sara
Samantala, habang isinusulat ito’y dalawang impeachment complaints ang inihain sa Kamara laban sa bise presidente.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders
MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!
Bukod dito, pinadalhan kamakailan si VP Sara ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y death threats niya laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
Kaugnay nito, inihayag ng NBI noong Huwebes, Disyembre 12, na layon nilang ilabas sa Enero 2025 ang kanilang rekomendasyon kung dapat bang kasuhan ang bise presidente.
MAKI-BALITA: Rekomendasyon ng NBI kung dapat bang kasuhan si VP Sara, ilalabas sa Enero