“BBM, ipaglaban! Demokrasya, ipaglaban!”
Ito ang ilan sa mga sigaw ng mga tagasuporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagtipon-tipon sa People Power Monument sa Quezon City nitong Sabado, Disyembre 7.
Base sa video na inilabas ng ABS-CBN News, makikita ang mga tagasuporta ni Marcos na nakasuot ng kulay pulang damit habang hawak ang mga placard tulad ng: “We stand, defend, and protect PBBM.”
Boluntaryo ring nagpa-ahit ng buhok sa ulo ang ilang mga lider at miyembro ng People’s Alliance for Democracy & Reform (PADER) bilang pagpapakita raw ng kanilang pakikiisa kay Marcos sa gitna umano ng mga pagsubok na kinahaharap ng administrasyon nito.
Ayon naman sa ulat ng DZBB, sinabi ng Quezon City Police District (QCPD) na base sa kanilang pagtataya ay aabot na sa 600 indibidwal ang nagtitipon sa EDSA upang magpakita ng suporta sa pangulo.
Wala pa naman umanong naitatalang “untoward incident” ang pulisya simula nang magtipon-tipon ang naturang mga indibidwal.
Samantala, matatandaang namang nito lamang Nobyembre 26 nang magtipon-tipon ang mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte sa EDSA Shrine upang ipakita ang kanilang pakikiisa sa kaniya, sa kabila raw ng mga nangyayaring gulo sa pagitan nila ni Marcos.
MAKI-BALITA: Mga tagasuporta ni VP Sara, nagtipon-tipon sa EDSA Shrine
Muling umusbong ang umano’y alitan nina Marcos at Duterte matapos isiwalat ng huli noong Nobyembre 23 na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano niya ang una at maging si First Lady Liza Araneta-Marcos at si House Speaker Martin Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!
Binuweltahan ni Marcos si Duterte noong Nobyembre 25 at iginiit niyang hindi ito dapat palampasin.
MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'
Nilinaw naman ng bise presidente na hindi umano pagbabanta sa pangulo ang kaniyang mga pahayag, kundi tungkol daw sa pangamba sa kaniyang buhay.
MAKI-BALITA: VP Sara sa ‘assassination threat’ niya vs PBBM: ‘Maliciously taken out of logical context’