April 03, 2025

Home BALITA National

VP Sara, sinabing ang Pasko ay panahon ng pagpapatawad: ‘Pero ‘di ako magpapatawad!’

VP Sara, sinabing ang Pasko ay panahon ng pagpapatawad: ‘Pero ‘di ako magpapatawad!’
VP Sara Duterte (Photo: Santi San Juan/MANILA BULLETIN)

Matapos sabihing ang Pasko ay panahon din ng “pagpapatawad, pagmamahal, at pagbibigay,” binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte na hindi raw siya magpapatawad.

Sinabi ito ni Duterte sa thanksgiving activity ng Office of the Vice President (OVP) nitong Martes, Disyembre 3.

"Ang Pasko ay panahon ng pagpapatawad, pagmamahal, at pagbibigay. Forgiving, giving, and loving. Lagi ko pong sinasabi na depende 'yan sa tao pero dahil ako ay vice president, kailangan ko sabihin na yan ang mensahe at diwa ng Pasko. Pero kung ako, hindi ako magpapatawad," anang bise presidente.

"Iba-iba ang tao, ‘di ba? Mayroon sa atin mabilis magpatawad, mayroong matagal at mayroon sa atin na dinadapa sa hukay ang galit," saad pa niya.

National

Rep. Acidre, hinamon si Roque na tulungan OFWs na naaresto sa Qatar

Ang naturang pahayag ni Duterte ay sa gitna ng alitan nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos niyang isiwalat noong Nobyembre 23 na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito ang pangulo at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!

Binuweltahan ni Marcos si Duterte noong Nobyembre 25 at iginiit niyang hindi ito dapat palampasin.

MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'

Nilinaw naman ng bise presidente na hindi umano pagbabanta sa pangulo ang kaniyang mga pahayag, kundi tungkol daw sa pangamba sa kaniyang buhay.

MAKI-BALITA: VP Sara sa ‘assassination threat’ niya vs PBBM: ‘Maliciously taken out of logical context’

Noon namang Nobyembre 27 nang sabihin ni Duterte na narating na ng nasirang alyansa nila ni Marcos ang “point of no return,” ngunit sinabi ng pangulo noong Nobyembre 29 na bukas ito sa pakikipagbati sa kaniya.

MAKI-BALITA: ‘Never say never!’ PBBM, ‘di sinasara pakikipagbati kay VP Sara

Samantala, habang sinusulat ito’y dalawang impeachment complaints na ang inihain sa Kamara laban sa bise presidente.

MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders

MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!