Nakilala ang asawa ni Parokya Ni Edgar lead vocalist Chito Miranda na si Neri Naig bilang isang “wais na misis” dahil sa kaniyang mga naipupundar hindi lang para sa sarili kundi pati sa kaniyang pamilya.
Ayon sa isang artikulo ng Philippine Entertainment Portal (PEP), nagsimulang magsilbing endorser at franchisee ng “Dermacare” si Neri noon pang Oktubre 2020. At sa pag-usad ng mga taon, tila inulan siya ng maraming pagpapala at biyaya sa buhay.
Ang Dermacare, ay ang inirereklamong skin care company na pagmamay-ari ni Chanda Atienza, na nanghihikayat umano sa mga investor na mag-invest sa kanila.
Setyembre 2022 nang ibida ni Neri sa kaniyang social media post ang bagong property na nabili niya sa Cebu. Kalakip din ng post ang ilang tips kung paano niya ginagawa ang pagba-budget ng pera.
MAKI-BALITA: Neri Miranda, nakabili na rin ng property sa Cebu; may tips kung paano mag-budget ng pera
Nang sumunod namang buwan, ibinahagi ni Neri ang tungkol sa pagkuha niya ng dalawang insurance para sa anak niyang si Cash.
Aniya, ginawa umano niya ito upang ‘di na umasa pa si Cash sa ibibigay ng magiging anak nito pagdating ng panahon.
MAKI-BALITA: Wais na misis! Neri Miranda, kinuhaan ng 2 insurance ang anak; may payo sa mga kapwa magulang
At hindi pa man natatapos ang 2022, tila panibagong blessing na naman ang dumating kay Neri. Inanunsiyo niya kasi na isa na raw siyang manager sa sarili niyang talent agency.
“Manager na akooo!!! Mula ngayon, ako na po mismo ang magma-manage at magha-handle ng mga endorsements ng family namin,” saad ni Neri.
MAKI-BALITA: 'Manager' Neri Miranda, may sariling talent agency na rin
Samantala, halos tatlong taon simula noong maging endorser at franchisee ng Dermacare ay naputol ang koneksyon ni Neri sa nasabing skin care company.
Kung babalikan ang post niya noong Setyembre 2023, makikitang inabisuhan niya ang kaniyang mga kaibigan at tagasubaybay na hindi na raw siya bahagi pa ng Dermacare.
“I want to emphasize that any transactions or engagements made under my name by Dermacare are unauthorized and have been conducted without my consent,” saad ni Neri.
MAKI-BALITA: Post ni Neri noong 2023 tungkol sa pagkalas sa kontrobersyal na skincare company, kumakalat
Hanggang sa dumating ang 2024 at tila hindi naging mabuti sa kaniya ang taon dahil sa isyung kinasangkutan niya.
Nagsimulang lumutang ang tsikang naaresto ni Neri sa showbiz-oriented vlog ni Ogie Diaz na “Showbiz Updates” dahil daw sa paglabag sa Republic Act (RA) 8799 Section 8, o may titulong "Registration of Brokers, Dealers, Salesmen and Associated Persons" ng Security of Exchange Commission o SEC.
MAKI-BALITA: Misis ni Chito Miranda na si Neri Naig Miranda inaresto?
Lalong lumakas ang hinala ng mga tao na totoo ang tsika ni Ogie nangkumpirmahin ng Southern Police District na may dinakip silang artistang “Erin” ang Alyas hanggang sa pinangalan na ito ng ABS-CBN sa inilabas nilang ulat.
MAKI-BALITA: Southern Police District, kinumpirmang may dinakip na aktres na alyas 'Erin'
Hindi nagtagal ay naglabas na rin ng pahayag ang mister ni Neri sa pamamagitan ng social media post.
Ayon sa isang bahagi ng post ni Chito, “Never nanloko si Neri, at never sya nanlamang sa kapwa. Never siyang kumuha or nanghingi ng pera kahit kanino man. Alam ng lahat yan. Tulong lang sya ng tulong hangga't kaya nya.”
MAKI-BALITA: Chito, nagsalita na sa kaso ng kaniyang 'wais na misis': 'Never nanloko si Neri!'
Samantala, kalakip ng post ni Chito ang isang liham na walang petsang nakalagay kung kailan ipinadala ang paghingi ng paumanhin mula sa nagngangalang Chanda Atienza dahil sa isyung kinaharap ng Dermacare na pinagsilbihan ni Neri bilang endorser.
“Endorser lang sya tapos ginamit yung face nya to get investors.Kinasuhan sya ng mga nabiktima,” dagdag na pahayag ni Chito.
Sa gitna ng kaniyang masalimuot na pinagdadaanan, nagpaabot naman ng suporta at pakikisimpatya ang mga kapuwa celebrity ni Neri sa kaniya. Kabilang sa mga nag-alok ng tulong ay ang dating vice presidential candidate at ngayo'y re-electionist sa pagkasenador na si Atty. Kiko Pangilinan.
MAKI-BALITA: Matapos humarap sa patong-patong na kaso: Neri Naig, inulan ng suporta
MAKI-BALITA: Biktima raw ng tunay na estafador: Atty. Kiko, handang tulungan si Neri sa kaso
Sa kasalukuyan, ayon sa ulat ng 24 Oras nitong Huwebes, Nobyembre 28, hiniling umano ni Neri sa korte na ibasura ang 14 counts ng violation of Securities Regulation Code at estafa case na isinampa sa kaniya.
Ngunit sa kasamaang-palad, hindi umano natuloy ang arraignment at inilipat ito sa Enero 9. Kaya naman, posible raw na sa Pasay City Jail Female Dormitory na magdiwang ng Pasko si Neri.
Sa kabila ng pagiging celebrity at estado ng buhay, tiniyak ni JSupt. Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na wala silang ibinigay na special treatment sa wais na misis.
Aniya sa panayam ng ABS-CBN News, "Limited lang po talaga ang space doon. Nasa 150 PDL doon so nakasama na niya 'yong ibang PDLs.”
MAKI-BALITA: Neri Miranda, posibleng magdiwang ng Pasko sa Pasay City Jail
Kaugnay nito, dinala raw si Neri sa isang ospital noong Biyernes ng gabi, Nobyembre 29, batay sa ulat ng ABS-CBN News.
Isinagawa ang nasabing paglilipat sa ospital mula kulungan para isailalim umano si Neri sa isang medical evaluation ayon sa hiling ng abogado nito.
Samantala, nagsalita naman ang abogado ng mga naghain ng reklamo laban kay Neri at sinabing may isang aktres at ilang politiko rin daw na damay sa kasong ito.
MAKI-BALITA: Aktres, ilang politiko posibleng masangkot sa kaso ni Neri
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na pahayag o reaksiyon si Atienza hinggil sa nasabing isyu.