Posible raw sa Pasay City Jail Female Dormitory na magdiwang ng Kapaskuhan ang dating aktres at negosyanteng si Neri Naig-Miranda, asawa ni Parokya ni Edgar band lead vocalist Chito Miranda, matapos masakote ng pulisya kaugnay sa mga kinahaharap na umano'y kasong 14 counts of violation sa securities regulation code at syndicated estafa kontra sa kaniya.
Sa ulat ng ABS-CBN News nitong Nobyembre 29, iniurong umano ang arraignment o pagbasa ng sakdal kay Neri sa Enero 5, 2025 matapos maghain ang kaniyang kampo ng motion sa pagbasura ng mga demanda laban sa kaniya.
Ayon sa panayam ng tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na si JSupt. Jayrex Bustinera, nasa court hearing na sana si Neri nitong Biyernes, Nobyembre 29, subalit pinabalik na lamang siya sa female dormitory na ineeskortan ng BJMP dahil sa inihaing motion ng kampo ng dating aktres-negosyante.
Binibigyan naman ng limang araw ang mga complainant, sa pamamagitan ng kanilang legal counsel na si Atty. Roberto Labe, para magkomento tungkol sa hiling ng kampo ni Neri na ibasura ang mga kaso.
Kinumpirma rin ni Atty. Labe na isang aktres at ilang politiko ang posibleng madawit sa kaso, na pawang nag-endorso rin sa Dermacare, ang inendorsong beauty and wellness clinic ni Neri na naglagay sa kaniya sa alanganing sitwasyon sa kasalukuyan.
KAUGNAY NA BALITA: Misis ni Chito Miranda na si Neri Naig Miranda inaresto?
KAUGNAY NA BALITA: Matapos humarap sa patong-patong na kaso: Neri Naig, inulan ng suporta