Dalawang college students, na magkaangkas sa motorsiklo, ang patay nang mabangga ng isang taxi sa Cainta, Rizal nitong Miyerkules, Nobyembre 27.
Kinilala ang mga biktima na sina Michael Allan Coronel Jr., 20, 3rd year College student ng Sitio Pugot, Payatas, Quezon City at Lothysia Nicole Pedro, 19, 2nd year college student at residente ng Sitio Veterans, Bagong Silangan, Quezon City.
Sugatan naman matapos na madamay sa aksidente ang tatlong fruit vendors na sina Arlene Gonzaga, 52; at magkapatid na sina Dino, 14, at Laiza Caagay, 12, kapwa estudyante.
Samantala, arestado naman ang suspek na si alyas 'Benjamin,' 71, taxi driver, at residente Brgy. Lunsad, Binangonan, Rizal.
Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, dakong alas-12:25 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Felix Avenue, tapat ng Village East Executive Village, sa Brgy. Sto. Domingo, Cainta.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bago ang aksidente ay magkaangkas ang mga biktima sa isang itim na Honda Click na may plakang 309-QVA at binabagtas ang Felix Avenue, patungo sa Marcos Highway habang pakaliwa naman ang taxi patungo sa Village East Executive Homes mula sa Marcos Highway.
Gayunman, pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lang umanong nabangga ng taxi ang kaliwang bahagi ng motorsiklo, na bumangga naman sa fruit stand na binabantayan ng tatlong sugatang biktima.
Isinugod ang mga biktima sa Cainta Municipal Hospital ng Rescue 131 para malunasan ngunit dead on arrival na ang rider at kanyang angkas.